KUMPIYANSA ang pamunuan ng Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines Inc. na magpapatuloy ang pag-angat ng extreme sports sa bansa matapos ang pagkapanalo ni Margilyn Didal ng gintong medalya sa nakalipas na Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Bilang bahagi ng pagpapataas ng kalidad ng sports, nagpadala ng delegasyon ang grupo sa 2018 Park Skateboarding World Championship sa Nanjing China.

Sasabak sina Jericho ‘Kiko’ Francisco at di Christiana Means sa park skateboarding class sa kompetisyon na nagsimula nitong Oktubre 27 at tatagal hanggang Nobyembre 5.

Ang nasabing pagsabak ng mga bagong skateboard athletes ay suportado ng Go-for-Gold program, manager na si Anthony Claravall at ng Philippine Sports Commission (PSC).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay SRSAP president Monty Mendigoria, ito ang unang pagkakataon na lalahok ang Pilipinas sa nasabing event.

“First time natin sa World Park event. And it’s a good thing that we have Filipino Park athletes sa skateboarding, di Kiko nga at si Christiana,” ani Mendigoria.

Kapwa naka base sa Estados Unidos ang dalawang bagong atleta na kapwa naninirahan sa California.

Sinabi ni Mendigoria na hasa na ang dalawang nabanggit na atleta dahil sa kanilang mga naiuwi na karangalan sa iba’t ibang international competition na kanilang nilahukan.

Tiwala umano ang pamunuan ng SRSAP na makakakuha ng ginto ang Pilipinas sa Park event ng skateboarding sa nalalapit na Southeast Asian Games ngayong 2019 sa pamamagitan ng mga nasabing atleta.

“We are looking in to a gold medal in the SEA Games. I know they are going to get for the country,” pahayag pa ni Mendigoria.

-Annie Abad