INAASAHANG magla-landfall ang bagyong ‘Rosita’, na ang international name ay ‘Yutu’, sa hilagang Luzon ngayong Martes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

May taglay itong hangin na 30 kilometers per hour (kph) nang manalasa sa Northern Marianas. Tinangay ang mga bubong ng mga bahay, itinaob ang mga sasakyan at itinumba ang mga puno.

Noong Linggo, namataan ang Rosita sa layong 760 km sa silangan ng Aparri, Cagayan na taglay ang napakalakas na hangin na 200 kph, na magdudulot ng pagbaha, pagguho ng lupa, at pagtaas ng tubig sa dagat.

Tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa publiko na ang mga ahensiya ng gobyerno ay handang-handa na at nasa maayos na koordinasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan at mga ari-arian.

Pero, hindi dapat iasa ng taumbayan ang kanilang-kaligtasan sa pamahalaan. Kailangang nakahanda rin sila para sa higit na mangyayari, dahil maliwanag naman ang babala sa nakaambang panganib sa kanila.

Ganito rin ang paghahanda na dapat nilang gawin sa iniaambang panganib sa kanilang buhay at kalayaan, ang pagbabalik ng martial law sa buong kapuluan na higit na malupit, madugo at mapanira kaysa anumang bagyong nagdaan at magdaraan sa ating bansa.

oOo

Ayon kay Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison, tatangkain ni Pangulong Duterte na ipataw ang batas militar sa buong bansa bago maghalalan upang tiyakin ang panalo ng kanyang mga kaalyado sa pulitika.

“Maaaring sa Enero 2019 ideklara ito para makontrol nila at masiguro ang resulta ng halalan. Tunay na nababahala siya na ang kanyang mga kandidato sa Kongreso at Senado ay magapi ng mga kandidato ng oposisyon na magiging sapat ang kanilang dami para ma-impeach siya at litisin sa salang high crimes,” sabi ni Sison.

Gagamitin niya, aniya, iyong ipinangalandakan niyang “Red October” bilang batayan sa pagdedeklara niya ng martial law. Ang “Red October” na inihayag ng Pangulo ay sabwatan umano ng mga “dilawang” pulitiko, komunista, at relihiyosong grupo para patalsikin siya sa puwesto. Eh pinabulaanan ito ng lahat ng tao at grupong inakusahan niya.

Ang nagbigay ng babala ay si Sison, pero hindi na kailangang siya pa ang magpahayag nito upang maniwala ang taumbayan. Ang lahat ng palatandaan ay nakikita na. Mga umano’y terorista ang namugad at nagtangkang ihiwalay sa bansa ang Marawi na siyang dahilan upang ideklara at palawigin ng Pangulo ang martial law. May plano pang palawigin ito.

Sa press conference noong Miyerkules, ibinunyag ni Armed Forces Chief of Staff Carlito Galvez na pinaplano niyang dumalaw sa Mindanao para mabatid kung posible pang palawigin ang martial law sa Mindanao. Pero, mayroon na siyang nabuong opinyon pabor dito. Aniya, praktikal na pahahabain pa ang martial law hanggang 2019 dahil sa darating na midterm elections.

“Nagkaroon tayo ng mapayapang barangay elections dahil sa martial law at kahit sa Marawi. Ito ang unang pagkakataon na walang hindi natuloy na halalan dito,” dagdag pa niya. Ganito raw ang nais mangyari ng administrasyong Duterte sa buong bansa, maghahalalan sa ilalim ng martial law.

Nakalatag na ang batayan para rito ay ang bantang patatalsikin ng mga komunista at ng kanilang kaalyado ang Pangulo, ayon mismo sa huli.

oOo

Nagkalat na ang droga sa Luzon at Metro Manila dahil sa rami ng pinalusot sa Bureau of Customs (BoC). Mahirap nang masawata ang reklamo ng maraming nagugutom sanhi ng hindi maremedyuhang walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Lalakas ang loob ng Pangulo dahil tinutulungan siya ng Social Weather Station survey. Kaya, ang paghahanda ng mamamayan para sa pinamalakas na bagyo ay lalong pag-ibayuhin para sa nakaamba nang martial law.

-Ric Valmonte