Opisyal na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantala ay mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mangangasiwa sa Bureau of Customs (BoC) upang malinis sa kurapsiyon ang kawanihan, at maiwasan ang pagpupuslit ng mga ilegal na droga at iba pang kontrabando papasok sa bansa.

Iritado na sa “dirty games” sa BoC, sinabi ng Pangulo nitong Linggo ng gabi na mga sundalong may technical expertise ang pansamantalang hahalili sa mga tauhan ng Customs na nasa “floating status” sa ngayon, upang matiyak na hindi maaapektuhan ang operasyon ng kawanihan.

“I’d like to put on notice everybody in the Bureau of Customs they are all floating status. They will, they can maybe start again working but I said they are on floating status,” sinabi ni Duterte nang dumalo siya sa selebrasyon ng kaarawan ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa Davao City.

‘They will be replaced all—all all of them—by military men. It will be a takeover of the Armed Forces in the matter of operating in the meantime while we are sorting out how to effectively meet the challenges of corruption in this country,” sabi ng Pangulo.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Inihayag ni Duterte ang direktiba ilang araw makaraang alisin niya sa BoC si Isidro Lapeña, kasunod ng panibagong pagkakapuslit ng P11-bilyon shabu sa bansa na nakalusot sa mga pantalang pinangangasiwaan ng kawanihan.

Pinalitan si Lapeña ni Maritime Industry Authority (Marina) Chief Rey Leonardo Guerrero, dating AFP Chief of Staff. Inilipat naman si Lapeña para pamahalaan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa kanyang pahayag nitong Linggo, iniutos ni Duterte kay Guerrero na bitbitin ang mga sundalo mula sa Army, Navy, at Air Force upang pangasiwaan ang operasyon sa BoC, kabilang ang maselang x-ray security systems sa mga kargamento.

Pinare-report naman niya sa Malacañang ang opisyal at tauhan ng BoC.

“I am ordering everybody to report to my office. Maybe I’ll issue the memorandum. I do not ha—yeah, I have yet to sign it. They will hold office there at the Malacañang gymnasium,” aniya.

Tiniyak naman kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na “temporary” lang ang pagsasailalim sa BoC sa kontrol ng militar.

“Putting the Bureau of Customs under the watchful eye of the AFP is a temporary measure to ensure that massive entry of illegal drugs, which threatens public safety, is immediately stopped,” ani Guevarra. “The bureau is headed by retired General Rey Guerrero, who is now a civilian.”Duda naman si Senator Francis Pangilinan sa legalidad ng paglalagay ni Pangulong Duterte sa BoC sa military control.

Aniya, wala itong silbi kung hindi naman maparurusahan ang mga dating namuno sa BoC na pumalpak sa kanilang trabaho, at pawang galing din naman sa militar katulad ni dating BoC Commissioner Nicanor Faeldo at ni Lapeña.

Sa panahon ni Faeldon, nakalusot ang P6.40-bilyon halaga ng shabu sa BoC.

-GENALYN D. KABILING, ulat nina Jeffrey G. Damicog at Leonel M. Abasola