ISANG linggo bago ang nakatakdang midterm election sa Estados Unidos sa Martes, Nobyembre 6, galit ang sinasabing nagtutulak sa mga Amerikano para dumagsa sa mga presintong botohan.
Ikinagagalit ng mga Democrats ang ipinatupad na paghihiwalay sa mga migranteng bata mula sa kanilang mga pamilya sa hangganan ng US-Mexico, ang pakikialam ng Russia sa kanilang eleksiyon, at kay President Donald Trump sa iba’t ibang isyu, kabilang ang mga pahayag nito sa kababaihan. Galit naman ang mga Republican sa usapin hinggil sa posibilidad na pagpapatalsik kay President Trump, ang patuloy na pagdagsa ng mga hindi dokumentadong migrante sa kanilang bansa, at ang kritikal na pakikitungo ng media kay Trump.
Umaasa tayo na ang insidente ng pagpapadala ng mga pipebombs, na naharang ng US Secret Service, sa ilang tanyag na Democrats, kabilang si dating US President Barack Obama at Hillary Clinton, ay hindi pasimula ng karahasan sa huling linggo ng kampanya para sa eleksiyon.
Sentro ng nalalapit na halalan ang paghahalal ng mga miyembro ng Senado at House of Representatives, na kapwa hawak ngayon ng Republicans ni Trump. Inaasahang makikinabang ang mga kandidato ng Democrats mula sa mga galit na botante sa buong bansa.
Dahil sa iba’t ibang rason, tinututukan ng mundo ang halalan ng US. Inakusahan ang mga Ruso ng pakikialam sa 2016 presidential election na pumapabor kay Trump at marahil ay umaasa sila na lumabas na mas malakas ang Pangulo at ang Republican party sa halalang ito. Ikinayamot ng mga kaalyado ng Amerika sa Europa ang mga pambabatikos ni Trump sa kanilang mga polisiya. Nagsisimula namang magdusa ang China mula sa trade war na sinimulan ni Trump para sa pagsisikap na mabalanse ang ugnayang kalakalan ng US-China.
Palaging inaantabayanan ng mga Pilipino ang halalan sa US lalo’t bawat pamilyang Pilipino ngayon ay may kamag-anak o pamilya na bahagi ng apat na milyong Filipino-American sa US. Nananatili rin na mahigpit na magkaalyado ang Amerika at Pilipinas, ito’y sa kabila ng pagsisikap kamakailan ng pamahalaan ng Pilipinas na mapalapit sa China, Russia at iba pang mga bansa. At sa ating sistema ng pamahalaan—na may pangulo, Kongreso na nahahati sa Senado at Kamara, at isang hudikatura na pinamumunuan ng Korte Suprema—ay nakasunod sa Amerika.
Katulad ng US, malapit na ring idaos ang ating midterm election, kaiba lang na ang atin ay nasa gitna ng anim na taong termino ng pangulo, habang sa Amerika ay sa gitna ng apat na taong termino ng kanilang presidente. Iba rin ang ating mga suliranin kinakaharap sa US. Hindi natin pinoproblema ang mga migrante o ang mga pahayag ng pangulo sa kababaihan. Higit nating pinangangambahan ang kasapatan ng bigas at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Ngunit ang konsepto at tradisyon ng malayang halalan at demokrasya ang nag-uugnay sa dalawang bansa. Kaya naman patuloy nating tututukan ang mga kaganapan sa halalan ng Amerika at matutunan sa kanila ang mga dapat habang naghahanda tayo para sa ating eleksiyon sa Mayo 23, 2019.