MARAHIL ay naliwanagan din si ex-Sen. Juan Ponce Enrile, martial law administrator ng rehimeng Marcos, nang humingi siya ng paumanhin o tawad sa mga biktima ng batas-militar bunsod ng kanyang kontrobersiyal na disclaimer o pagtanggi, na walang inaresto o napatay sa panahon ng ML noong panahon ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos.
Sa kanyang tete-a-tete o one-on-one interview sa anak ng dating diktador na si ex-Sen. Bongbong Marcos, tahasang sinabi ni JPE na kahit isang Pilipino ay walang dinakip o kaya’y napatay noong martial law.
Ang 94-anyos na senador ay tatakbong senador sa 2019 midterm elections. Ayon sa kanya, ang lawak o magnitude ng human rights violations noong Marcos regime ay “debatable” at ang warrantless arrests noon ay justified o makatwiran. So, aminado siyang may mga pag-aresto taliwas sa paghahamon niya sa panayam kay Bongbong na walang kahit isang Pinoy ang inaresto.
Badya ni JPE: “I’m sorry for (human rights violations), if I have to apologize, but that was our perception. It was not our intention to harm anybody but to protect society.”
Umani ng katakut-takot na pagpuna ang pagtanggi ni Enrile na walang inaresto at napatay sa ML. Nalantad ang libu-libong dinakip, nawala (disappeared), at napatay noong panahon ng batas-militar.
Sa kanyang apology, sinisi ng beteranong mambabatas ang tinawag niyang “unlucid intervals” o may kalabuan/kadilimang pag-iisip noon nang siya’y kapanayamin ng batang Marcos. “Well, if I said that, it must have been in my unlucid interval.”
Si JPE ay 94 anyos na, at marahil ay nalimutan niyang inihayag noon (nang sila’y kumalas kay Marcos kasama si Ramos) na peke ang pag-ambush sa kanya sa Wack-Wack area at iniutos ni FM na dayain si Cory Aquino nang may 300,000 boto sa Cagayan Valley.
Nakoberan ko si Enrile noong siya pa ang Defense Minister. Kasama ko sa Defense Press Corps noon sina Joe Vera (RIP) ng Manila Bulletin, Ramon Tulfo, Cecilio Arrilo, Alex Allan, Arnold Atadero, Sel Baysa, Jun Francisco, at Boy Aguinaldo. Sa defense at military establishments ako in-assign noon ni Doming Quimlat (RIP), editor ng BALITA, na noon ay nasa Pasong Tamo, Makati pa ang tanggapan.
Lumilitaw na ngayon ang katotohanan. Talagang may nagpapalusot sa bultu-bultong shabu sa Bureau of Customs (BoC). Sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs, napilitang umamin si BoC Commissioner Isidro Lapeña na posible ngang may lamang shabu ang apat na magnetic lifters na natuklasan ng PDEA sa isang bodega sa GMA, Cavite.
Noong una, itinanggi niyang may laman ito, pero nanindigan si PDEA Director General Aaron Aquino na shabu ang laman ng mga lifter, dahil inupuan ang mga ito ng K-9 dogs na eksperto sa pag-amoy ng droga.
Noong una, maging si PRRD ay nagsabing haka-haka lang daw ni Aquino na may lamang shabu ang apat na magnetic lifters.
Dahil sa ganitong pangyayari, inilipat o sinibak ng Pangulo si Lapeña at ginawang TESDA chief. Sa banner story ng isang English broadsheet ganito ang nakalagay: “Duterte transfers Lapeña to TESDA”. Pero mas mabagsik ang headline ng isa pang broadsheet: “Lapeña sacked amid shabu smuggling row.”
Marami akong kasamahan sa kapihan na naniniwalang hindi masusugpo ng ating Pangulo ang illegal drugs sa ‘Pinas kahit ipatumba niya ang libu-libong pushers at users, hanggang bilyun-bilyon pisong shabu ang naipupuslit sa Customs, sa paliparan, pantalan at karagatan.
-Bert de Guzman