Itinaas kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Signal No. 3 sa tatlong lugar ilang oras bago mag-landfall ang bagyong ‘Rosita’ sa Northern at Central Luzon ngayong Martes.

Sinabi ni Benison Estareja, PAGASA weather specialist, na kumikilos ang Rosita pakanluran-timog-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour (kph), at inaasahang magla-landfall sa pagitan ng katimugang Isabela at hilagang Aurora ngayong Martes ng umaga.

Kahapon ng hapon ay namataan ang Rosita sa 410 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora.

Bagamat humina, umaabot pa rin sa 150 kph ang lakas ng hanging taglay nito, habang may pagbugsong 185 kph, ayon kay Estareja.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kahapon ay itinaas na ng PAGASA ang Signal No. 3 sa Isabela, Quirino, at hilagang Aurora.

Nasa Signal No. 2 naman ang Cagayan, Abra, Kalinga, Ilocos Sur, Mountain Province, Ifugao, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, hilagang Quezon, kabilang ang Polillo Island, at katimugang Aurora.

Nasa Signal No. 1 naman kahapon ang katimugang Quezon, Ilocos Norte, Apayao, Batanes at Babuyan group of islands, Zambales, Rizal, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Laguna, Batangas, Bataan, Cavite, at Camarines Norte.

“Expect light to moderate becoming heavy rains over the eastern section of Northern and Central Luzon as early as Monday evening,” ani Estareja.

Inaasahan namang lalabas na ng Pilipinas ang bagyo pagsapit ng Miyerkules o Huwebes.

Kaugnay nito, naka-red alert status na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), katuwang ang iba pang ahensiya ng gobyerno.

Isinailalim din sa red alert status ang mga opisina ng gobyerno sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon at Cordillera region.

Nakaaalerto rin ang PNP sa mga lugar na babayuhin ng bagyo, partikular na sa northern Luzon.

Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, inatasan na niya ang mga regional directors na i-activate ang kanilang disaster response measures.

Partikular na inalerto ang tanggapan ng pulisya sa Ilocos region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Nagpatupad na kahapon ng evacuation sa mga residente sa rehiuyon, ayon kay Melchito Castro, Civil Defense director sa Region 1.

Iniutos naman kahapon ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa outdoor advertisers na ibaba ang kanilang billboards sa Metro Manila, na inaasahang maaapektuhan sa bagyo.

Sa kanyang dirketiba, binanggit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, dapat ibaba ang mga tarpaulin at billboard sa mga pangunahing lansangan dahil sa inaasahang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan at hangin sa hilaga at gitnang Luzon na dala ng bagyo.

-Ellalyn de Vera-Ruiz, Beth Camia, Fer Taboy, Liezle Basa Iñigo, at Bella Gamotea