Tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang surprise drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga driver at konduktor ng bus upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero ngayong Undas.

Inihayag ni PDEA Director General Aaron Aquino na sinimulan na ng grupo ng PDEA, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) ang pagbisita sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City, kahapon, dakong 8:00 ng umaga.

Inimbitahan ng mga ito ang mga driver at konduktor na sumalang sa on-the-spot drug testing.

Ang nasabing hakbang, aniya, na tinawag na “Oplan UndaSpot”, ay ipinatutupad simula kahapon, Oktubre 29 hanggang bukas, Oktubre 31.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Layunin din, aniya, nito na mahadlangan ang mga drug trafficker na maisagawa ang kanilang operasyong pagbibiyahe ng ilegal na droga sa gitna ng pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang lalawigan.

Paliwanag nito, malaki ang posibilidad na gumamit ng droga ang mga driver at konduktor upang hindi mapagod sa tagal ng kanilang biyahe.

“Any driver who refuses to undergo the mandatory drug test shall be reported to the LTO. The result of the drug test will be immediately endorsed to the LTO,” ani Aquino.

Kabilang sa binisita ng PDEA ang Victory Liner Terminal, Bicol Isarog, Araneta Center Bus Terminal, at Araneta Center Bus Port sa Cubao, kung saan sinuri ang aabot sa 160 driver.

-Alexandria Dennise San Juan