Elorde, 4 pang boxing icons, pararangalan sa WBC Women’s Convention
PAGKAKALOOBAN ng pagkilala ang limang boxing legend – nagbigay ng karangalan sa bansa at kinilala ng mundo ang kanilang mga gawa – sa gaganaping World Boxing Council (WBC) Asian Boxing Summit at 3rd Women’s Convention sa Nobyembre 16-19 sa Philippine International Convention Center sa Manila.
Ipinahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na ikinalugod ng pamunuan ng WBC – pinakamalaking boxing body sa mundo – ang pagsasagawa ng Summit sa bansa na anila’y bahagi ng kasaysayan ng organisasyon.
“Ako mismo nagulat nang maikuwento sa akin ni WBC president Mauricio Sulaiman na ang kapita-pitagang si Mr. Rodrigo Salud ang bumalangkas ng bylaws ng WBC habang si dating GAB Chairman Justiniano Montanao ay naging pangulo ng WBC,” sambit ni Mitra.
‘It’s a great privileged honouring this group of gentlemen and the WBC hierarchy approved it,” ayon sa dating Palawan Governor at Congressman.
Ibibigay kina boxing greats Gabriel “Flash” Elorde at Pedro Adigue, former WBC president Justiniano Montano at WBC secretary-general Rodrigo Salud, gayundin kay international matchmaker-promoter Lope “Papa” Sarreal, ang pinakamataas na pagkilala sa tatlong araw na convention, ayon kay Mitra.
“Our five posthumous awardees have brought immesurable honors to the country through their achievements in boxing and it is only fitting that we honor them again now with the whole boxing world watching us during the WBC convention,” pahayag ni Mitra.
Bukod kay WBC President Mauricio Sulaiman, makikiisa rin sa pagdiriwang sina WBC International Secretary at WBC Cares International Chairperson Jill Diamond at WBC Women’s Championship Committee Chairman Malte Muller-Michaelis.
Tunay na mukha ng Philippine boxing ang limang nabanggit.
Pinatanyag ni Elorde ang boxing nang tanghaling WBC junior lightweight champion na kanyang naidepensa ng 10 ulit sa loob ng pitong taon. Itinuturing isa sa ‘greatest lightweight champion’ sa mundo ang pambato ng Bogo, Cebu, na pumanaw noong Enero 2, 1985.
Nakamit ni Elorde ang world super featherweight title noong March 16, 1960 sa harap nang nagbubunying 30,000 kababayan na dumagsa sa Araneta Coliseum para masaksihan ang pagpapatulog niya kay Harold Gomes.
Nakamit naman ni Adigue ang WBC light welterweight championship kontra Adolph Pruitt noong 1968 sa Araneta Coliseum.
Hindi matatawaran ang galing nina Montano at Salud na nanguna para mabuo ang constitution ng WBC noong 1967 boxing convention sa Manila noong 1967.
Ayon kay Mitra, sinabi ni Sulaiman, anak ng dating WBC Chief at namayapang si Jose Sulaiman, na utang na loob ng WBC kina Monatano at Salud ang katatagan ng organisasyon.
Itinuturing ‘Grand Old Man’ ng Philippine boxing si Sarreal na nakalikha ng 22 world champion, kabilang si Elorde na kalauna’y naging manugang niya sa anak na si Laura.
Pumanaw si Sarreal sa edad na 90 noong 1995 at nailuklok sa International Boxing Hall of Fame noong Hunyo 2005.