PINATULOG sa ika-apat na rounds ni Ifugao fighter Calr Jammes Martin si South Korean Moon Chul Suh para mapanatili ang kanyang WBA Asia bantamweight title kamakalawa ng gabi sa Don Bosco High School, Lagawe, Ifugao.
Bukod sa napanatili ang kanyang world ranking bilang No. 11 contender kay WBO bantamweight champion Zolani Tete ng South Africa, napaganda rin ni Martin ang kanyang kartada sa perpektong 11 panalo, na may 10 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang rekord ni Suh sa 5-7-3 win-loss-draw na may 4 pagwawagi sa knockouts.
Sa sagupaan sa Bacoor, Cavite kamakalawa rin ng gabi, tinalo naman ni Filipino Alphoe Dagayloan ang malakas na Chinese na si Rongguo Wu via 6th round TKO paro mahablot ang bakanteng WBA Asia East flyweight title at magkaroon ng tsansang pumasok sa world rankings.
Galing si Dagayloan sa impresibong pagwawagi via knockouts laban sa walang talong si Madiyar Zhanuzak ng Kazakhstan sa 8-round na sagupaan sa Russia at umaasa siyang mapapalaban sa world ranked fighter.
Napaganda ni Dagayloan ang kanyang rekord sa 11-2-5 win-loss-draw na may 5 panalo sa knockouts smantalang bumagsak ang kartada ni Wu sa 6-2-2 win-loss-draw na may 2 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña