SA liturgical calendar ng Simbahan, mahalaga, natatangi, at isang pulang araw ang unang araw ng Nobyembre sapagkat ipinagdiriwang ang “Todos los Santos” o “All Saints’ Day”. Isang araw na binibigyan ng pagpapahalaga ang lahat ng mga banal kasama ang mga hindi nabigyan ng pangalan. Sa pagpaparangal sa mga santo at banal, ang Diyos din ang pinararangalan sapagkat Siya ang nagkaloob sa kanila ng masaganang biyaya upang makarating sa rurok ng kabanalan. Ngunit para naman sa mga Kristiyanong Katoliko, ang unang araw ng Nobyembre ay iniuukol naman sa paggunita sa mga namayapa nating mahal sa buhay at mga kamag-anak. Tinatawag itong “Araw ng mga Patay”, at isa nang tradisyong nakaugat sa kultura nating mga Pilipino.
Ang tradisyon ng paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay ay isang sagisag o simbolo ng matibay na ugnayan ng mga nabubuhay at ng mga namayapa o yumao. Nagpapakilalang ang pagmamahal at pagpapahalaga sa gunita at mga alaala ng namayapang mahal sa buhay ay hindi nagwawakas sa kamatayan.
Ayon sa kasaysayan, mula pa noong ikatlong siglo sa panahon ni Emperador Diocleciano ay naging kaugalian na ng mga kristiyano ang parangalan sa ilalim ng katakumba o libingan ang lahat ng mga martir ng pananampalataya.
Sa panahon naman ni Emperador Agripa, sa layuning magkaroon ng isang bantayog at karangalan ang lungsod ng Roma sa daigdig, nagpatayo siya ng isang malaking “Pantheon” o templo na inilaan sa lahat ng mga diyus-diyusan ng imperyo Romano. Ngunit nang malansag ang imperyo, ang Pantheon ay ginawang isang templo kristiyano ni Papa Benedicto IV para sa Mahal na Birhen at sa lahat ng martir.
Makalipas ang ilang panahon, noong Nobyembre 1, 835 ay ipinalipat naman ni Papa Gregorio III sa nasabing templo ang mga buto at relika ng lahat ng mga santo at santa sa katakumba. Inilaan iyon sa lahat ng mga santo at santa sa langit. At noong taong 837, ipinasiya ni Pope Gregory III ang pandaigdigang paggunita ng Todos los Santos. Dito nagsimula ang pagdiriwang upang gunitain ang lahat ng mga santo at santa na sa Kastila ay tinawag na Todos los Santos. Sa ibang lugar ng ating bansa ay tinatawag itong Undas na hango sa salitang Honras de Funebre, na ang kahulugan ay parangalan ang libing. May naniniwala rin na ito’y isang magandang pagkakataon para sa taimtim na pagninilay sa buhay at kamatayan.
Tuwing sasapit ang ganitong panahon (Nobyemre 1), bawat isa’y may layunin at alaala sa pagtungo sa mga libingan, memorial park, columbarium at iba pang pook na pinaglagakan ng katawang lupa ng mga namayapa. At halos isang linggo pa bago sumapit ang unang araw ng Nobyembre, marami nang tao ang nagtutungo sa nasabing mga libingan at memorial park upang linisin ang mga puntod. Dahil dito, ang dati na mapanglaw na mga libingan ay nagbabagong-bihis at nagkakaroon ng galaw ng buhay.
Sa unang araw ng Nobyembre, minsan pa, magninilay at taimtim na mag-uukol ng dasal ang mga tao para sa katahimikan ng mga namayapa nating mahal sa buhay at mga kamag-anak. Kasabay nito ang pagtitirik ng mga kandila at pag-aalay ng mga bulaklak sa puntod habang sinasariwa ang maliligayang sandali noong sila ay kapiling pa natin, gayundin ang mga nagawa nilang kabutihan hindi lamang sa atin kundi maging sa ating kapwa tao.
Mababanggit kong halimbawa ang pagpanaw ng mahal kong maybahay. Naganap noong umaga ng Pebrero 9, 1994. Kamatayang simbigat ng bundok para sa amin. Isang masakit na pangyayaring naghatid sa akin at maging sa aming mga anak ng matinding dalamhati. Ngunit ang kamatayan ng aking kabiyak ng puso ay itinuring ko na lamang na “matamis na halik” ng Diyos na dapat tanggapin. Isang katotohanan ng buhay na nagaganap sa lahat ng pamilya. Ang mahal kong maybahay ay tumugon sa tawag ng Dakilang Maykapal matapos niyang dumaan sa dalawang beses na brain operation dahil sa brain tumor.
Mula nang siya’y mailibing, tatlong beses sa loob ng isang linggo ay dinadalaw ko ang kanyang libingan sa isang memorial park sa Angono, Rizal. Mula ikalima ng hapon ay doon na ako inaabot ng takipsilim. Sa nasabing libingan, naroon din ang ibang naulila na dumalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay. Hindi ako nag-iisa sa lungkot at pangungulila.
-Clemen Bautista