PUWEDENG mula sa Philippine folklore o kaya naman ay inspired sa mga talagang kinatatakutan ng tao, hindi lamang napapa-“Aaarggghh!!!” ang viewers sa ilang Pinoy horror movie, ngunit napapa-“Huh?” din.
Dahil nga Halloween na, narito ang limang Pinoy horror movies na may pinaka-kakaibang twist sa kasaysayan sa Pinoy horror movie:
- Patayin Sa Sindak Si Barbara (1974 at 1995)
Ang classic piece na ito ang naging dahilan kung bakit hanggang ngayon ay may mga viewers pa rin na natatakot sa sariling anino nila.Maayos na pinagsama-sama ni Direk Celso Ad Castillo ang pagkakaroon ng aparisyon ng mga multo, haunted na mga bagay, at ang paranormal powers sa orihinal na pelikula. Ngunit binigyan din ni Direk Chito S. Roño ng hustisya ang hit remake ng naturang pelikula, dalawang dekada makalipas ipalabas ang orihinal na bersyon.
Ang kuwento ay tungkol sa mapagmahal na si Barbara, nakatatandang kapatid ni Ruth, na ipinaubaya ang pinakamamahal niyang si Nick para sa kanyang nakababatang kapatid, na nagbantang magpapakamatay kapag hindi siya ang pinakasalan ni Nick. Nakuha ng huli ang kanyang nais – ngunit hindi lahat ay umayon sa kanyang kagustuhan.
Ang kanyang pagbagsak ay nagsimula nang subukan niya ang witchcraft at spiritual medium sessions. Sa pamamagitan nito, natutunan niya na kahit bawian siya ng buhay, maaari pa rin siyang bumalik sa mundo ng mga buhay, sa limitadong oras, para hanapin at maghiganti sa sinumang taong nais niyang paghigantihan.
Kalaunan ay sinapian ni Ruth ang isang manika, na naging head-turning, blood-soaked doll, na talaga namang katatakutan sa panaginip.
- Feng Shui (2004)
Tila ay inalisan ng dugo ni Direk Chito ang mga moviegoers dahil sa nakapanghihilakbot na karakter sa pelikulang ito, ang Lotus Feet.
Pinagbidahan ni Kris Aquino, may mga kakaibang pagkamatay na naganap sa istorya at ang sentro nito ay umikot sa isinumpang Bagua mirror. Sa istorya, mamamatay ang sinumang napatitig o napatingin man lang sa salamin, at ang pagkamatay nito ay may kaugnayan sa Chinese zodiac. Ang karakter ni Kris ang nakaririnig ng nakakikilabot na tunog ng Lotus Feet’s bound feet at nakikita niya ang lahat ng biktima ng bagua.
Ang Feng Shui ay isa highest grossing film noong 2004 sa bansa. Ang sequel ay naiprodyus makaraan ang isang dekada, at ipinalabas ito sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
- Shake, Rattle & Roll series
Ang horror anthology film series, na nagsimula pa noong 1984, ay mayroong ilang episodes na talaga namang tumatak sa isipan ng publiko at hindi maitatangging naging dahilan din ng pansamantalang pagtigil ng pagtibok ng puso ng sinumang nanonood. Mayroong mga memorableng monsters o creatures na hanggang ngayon ay buhay pa sa diwa ng mga nakapanood. Ang unang movie nito ay noong 1984. Ang “Manananggal” episode ay hango sa local folklore, habang ang “Pridyider” ay tungkol naman sa haunted refrigerator na kumakain sa mga biktima nito.
Ang pinakaminahal naman sa series ay ang episode ni Herbert Bautista na nakikipaglaban sa aswang sa araw ng Biyernes Santo. Hanggang ngayon, nakapa-effective pa rin ng episode na ‘yon. Boo!
- The Healing (2012)
Tumabo ang pelikulang ito ng P74 milyon sa unang dalawang linggo ng pagpapalabas nito at kumita ng P104.6 milyon sa kabuuan. Noong 2012, kinilala ito bilang ang ikatlong pelikulang Pilipino na tumabo ng mahigit 100 million.
“Graded A” din ito ng Cinema Evaluation Board of the Philippines.
Dalawang bersyon ng pelikula ang inilabas ng Star Cinema– ang isa ay censored, wider release, at rated R-13; ang isa naman ay ang director’s cut, limited release, at rated R-18.
Ang istorya ay tungkol sa kapangyarihan ng faith healer na nagiging sanhi ng mga paranormal event, sunud-sunod na pagpapatiwakal at murder.
- Seklusyon (2016)
The story is set in 1947. Dito ay ipinadala ang mga nagnanais na magpari sa isang liblib na kumbento upang manirahan nang mag-isa at tahimik, at protektahan ang mga ito mula sa evil spirit na pagala-gala sa mundo. Ang kanilang pag-iisa at pananahimik ay nagambala sa pagdating ng isang babae, na pinagtalunan nila kung ipinadala ng Diyos o ng demonyo.
Nakatanggap ang pelikula ng maraming award nang taong iyon, bilang bahagi ng MMFF. Ilan sa mga parangal na ito ang Best Cinematography, Best Screenplay, Best Sound Design, at Best Production Design.
Nanalo si Erik Matti bilang Best Director; si Phoebe Walker bilang Best Supporting Actress; Special Jury Prize naman para kay Rhed Bustamante; at natanggap naman ng Dominus Miserere ni Francis De Veyra ang Best Original Theme Song.
-Stephanie Marie Bernardino