Nagpahayag ng kahandaan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa inaasahang paghagupit ng bagyong “Rosita” sa Cagayan at Isabela, bukas.
Ayon kay NDRRMC spokesperson, Dir. Edgar Posadas, ipatutupad nila ang kahalintulad na level of preparedness noong bagyong “Ompong.”
Aniya, patuloy ang kanilang pakikipagpulong sa mga concerned government agency para sa nasabing paghahanda.
Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), napanatili ng bagyo ang taglay nitong lakas.
Posibleng magtaas ng storm signal warning ang PAGASA mamayang gabi, Lunes, dahil sa inaasahang paghagupit nito sa Cagayan at Isabela.
Huling namataan ang bagyo sa layong 980 kilometers east ng Aparri, Cagayan na may maximum sustained winds na 200 kilometer per hour (kph) at bugsong 245 kph.
-Fer Taboy