LUMALABAS na ngayon ang katotohanan. Sa Bureau of Customs (BoC) pala nanggagaling ang tone-toneladang shabu na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso dahil sa gawain ng mga tiwaling pinuno at kawani ng ahensiya. Hindi lang pala sa New Bilibid Prisons at sa karagatan nagmumula ang illegal drugs.
Sa pagdinig ng Kamara noong isang Linggo, isang BoC Intelligence Officer ang umamin na talagang nagpapalusot sila ng kontrabando. Naayos din ang kontrahan nina PDEA Director General Aaron Aquino at BoC Commissioner Isidro Lapeña nang lumitaw sa pagtatanong at imbestigasyon ng House committee on Dangerous Drugs sa pamumunno ni Rep. Ace Barbers, na talagang may lamang shabu ang apat na magnetic lifters na natagpuan ng PDEA sa isang bodega sa Cavite.
Papaano masusugpo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang epidemya ng illegal drugs sa Pilipinas kung mismong mga tauhan ng BoC at NBP ang nasa likod ng pagpupuslit ng mga droga na lumalason sa utak ng mga kabataang Pilipino?
Nakalulungkot na libu-libo na ang napapatay na mga ordinaryong pusher at users, na gumagamit at nag-aangkin lamang ng ilang sachet ng shabu, ngunit bultu-bultong shabu naman ang nakalulusot sa BoC. At kahit isang smuggler o kasabwat sa sindikato ay walang naitutumba ang mga pulis.
Ipinakilala na ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga kandidato ng Liberal Party sa pagka-senador sa 2019 mid-term elections noong Miyerkules. Nagpahayag siya na iboboto ng mga mamamayan ang mga kandidato ng Oposisyon Koalisyon (OK) na sina ex-Sen. Mar Roxas, ex-Quezon Rep. Erin Tanada, Maranao advocate Samira Gutoc-Tomawis, Magdalo Rep. Gary Alejano, human rights lawyer Jose Manuel “Chel” Diokno, election lawyer Romulo Macalintal, Sen. Bam Aquino at ex-Solicitor General Florin Hilbay.
Sa walong kandidato, tanging sina Aquino, Tanada, at Roxas lamang ang mula sa LP. Ang iba ay mula sa iba’t ibang grupo. Hindi nakadalo si Roxas sa presentasyon na ginanap sa Barangay Parang, Marikina City dahil nasa ibang bansa siya.
Bukod kay beautiful Leni, dumalo sa okasyon sina ex-Pres. Noynoy Aquino, Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Risa Hontiveros, Albay Rep. Edcel Lagman at Marikina City Rep. Romero Quimbo. Sinabi ni VP Leni na ang oposisyon ay buhay na buhay sa kabila ng panggigipit at pagbabanta ng kasalukuyang administrasyon.
May bago na ngayong aide-de-camp si PRRD matapos magbitiw si ex-SAP Bong Go na tatakbo bilang senador sa 2019. Siya ay si Senior Inspector Sofia Loren Deliu, isang dating beauty contestant. Ayon kay Go, hindi niya kapalit si Sofia. Gayunman, sa talumpati ni Mano Digong sa 2017 Quality Award and conferment sa Malacañang noong Miyerkules, sinabi niyang si Deliu ang kapalit ni Bong Go.
Badya ng Pangulo: “She’s Bong’s replacement. Stand up. Face them. Stand up.” Si Deliu, isang Filipino-Romanian, ay naging contestant sa Miss Earth-Philippines competition noong 2015. Noon ay miyembro na siya ng Philippine National Police (PNP). Naging ninong si PDu30 sa kasal ni Deliu kay P/Insp Abdul-Bassar Abdurajak nitong Marso sa Zamboanga City.
-Bert de Guzman