BUHAY ang cycling sa bansa.
Patunay ang pagdagsa ng mga kalahok sa Go for Gold Larga Pilipinas EDSA-C-5 Blitz Races kung saan kabuuang 3,000 ang sumabak sa elite category, habang mahigit 6,000 ang nakiisa sa Fun Ride.
“This is not your ordinary race. This is classic. One for the book and one event that might not happen again,” pahayag ni Larga Pilipinas technical consultant Atty Froi Dayco.
Ang Larga Pilipinas’ 24.8 kilometer route ay dumaan sa EDSA at C-5 via White Plains Drive sa Quezon City patungo sa JP Rizal Street sa Makati City.
Itinataguyod ang makasaysayang programa ng PCSO Scratch It, Koten Enterprises, Nickel Asia Corporation, Excellent Noodles, Standard Insurance, Emperador Brandy, Juicy Lemon, Mother’s Best, Black Mamba, Boy Kanin, Aerox Quezon City Club, Versa.ph, Uratex Foam, MMDA at PhilCycling.
Nanguna si Aidan James Mendoza sa Professional/Elite category laban sa mga beteranong sina multi-champion John Mark Galedo at Jerry Aqunio, Jr.
Natapos ni Mendoza ang biyahe sa tyempong 23:18.
“Yan po kasing ganyan kaikli na karera, talagang buhos na agad yan. Di ka na dapat magpahinga riyan kasi kaunting pagkakamali mo sa ganyan kaikli na race, maiiwan ka,” pahayag ni Mendoza.
“Saka nung nakita ko na beterano at mga laspag sa iba’t ibang karera yung kalaban ko, siniguro ko nang hindi ako mawawala sa harap,” aniya.
Sumegunda sakanya sina Jeck River at beterano ring si George Oconer.