SINIBAK nga ni Pangulong Duterte si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña, pero ginawa naman siyang miyembro ng Gabinete bilang pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Kaugnay ito sa nakapuslit na apat na magnetic lifters sa BoC na napatunayang ginamit na lalagyan ng shabu.
“Kung siya ay magaling at mapapagkakatiwalaan, bakit siya aalisin sa Customs? Ngayon, kung siya ay nagloko at nasangkot sa pagpupuslit ng droga, bakit mo siya iaasenso? Ang tanging paliwanag dito ay ginantimpalaan ito ng Pangulo dahil sa kanyang katapatan at upang masiguro nito ang kanyang patuloy na pananahimik at kooperasyon tulad ng ginawa nito kay Faeldon. Ang mga dating BoC Commissioners ay tiyak kong alam nila ang mga utak ng mga malalaking shabu shipments,” wika ni Sen. Antonio Trillanes bilang reaksyon sa ginawa ng Pangulo kay Lapeña. Nang si Nicador Faeldon ay customs commissioner, nakalusot sa BoC ang 6.4 bilyong halaga ng shabu na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela. Napilitang magbitiw si Faeldon, pero hinirang siya ng Pangulo na deputy administrator ng Office of the Civil Defense noong una, ngayon, director Bureau of Corrections (BuCor) na.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, matagal nang plano ng Malacañang ang paglilipat kay Lapeña sa TESDA. Ginawa, aniya, ng Pangulo ang desisyon bago pa man pumutok ang kontrobersiya sa P11 bilyong shabu shipment na ipinuslit sa bansa noong Agosto. “Kaya lang madali kasi alam mo si Presidente, ano siya, he wants to spare him (Lapeña) from intrigue, dahil sinisiraan nang husto, eh,” paliwanag ni Panelo.
Hindi nakabuti sa Pangulo ang paliwanag ni Panelo. Hindi maganda ang kahulugan nito lalo na kung iuugnay mo ito sa tinuran ni Sen. Trillanes na, tulad ni dating BoC Commissioner Faeldon, alam ni Lapeña ang mastermind ng napakalaking shabu shipment. Kung totoong matagal nang plano ng Pangulo na ilipat si Lapeña sa TESDA, bakit ngayon niya lang ito ginawa ngayong naipit na si Lapeña at hindi na malusutan ang isyu na shabu ang laman ng apat na magnetic lifters na nahanap sa GMA, Cavite? Kung tutuntunin mo sa dulo ang sinabi ni Trillanes, hindi muna inilipat si Lapeña para may mangalaga at masiguro ang paglabas ng shipment sa BoC o kaya, walang balak na alisin si Lapeña kung matagumpay niyang napagpilitan na walang laman, at lalong walang shabu, ang apat na magnetic lifters.
Tatlong bagay ang magandang nangyari sa napakalaking shipment ng naturang shabu. Una, inabandona ng mga smuggler ang dalawang magnetic lifter sa Manila International Container Terminal na naglalaman ng shabu. Ginawa nila ito upang ipakita na may nagawa ang taga-BoC. Pero, dahil dito, nagkaroon ng batayan ang mga awtoridad para ikumpara ito sa apat na magnetic lifters na natagpuan sa GMA, Cavite, kahit wala na itong laman nang mahanap. Sa kabila ng pagtanggi ni dating Commissioner Lapeña na may laman ang mga ito, walang pagkakaiba ang lahat ng mga ito.
Ikalawa, hindi natinag si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino sa kanyang posisyon na shabu ang laman ng apat na magnetic lifters kahit ipinagsigawan ng Pangulo na ang kanyang tinuran ay kanyang haka-haka lamang. Pero, natigatig siya sa sinabi sa kanya ng Pangulo kaya pansamantala siyang nagbakasyon nang walang paalam. Pero, nang siya ay tumestigo sa pagdinig ng House Committee on Drugs, iginiit niya na shabu ang naging laman ng apat na magnetic lifters.
Ikatlo, dahil sa naipuslit nga sa BoC ang apat na magnetic lifters, kumalat ang shabu sa bansa. Nagkaroon ng negosyo ang mga dukha at nasustentuhan ang kanilang bisyo kahit na sila ay pinapatay.
-Ric Valmonte