KAPANGAN, Benguet – Mistulang piyesta ang kapaligiran at bakas ang kasiyahan sa mukha ng mga batang atleta na sumabak sa unang araw ng kompetisyon sa Indigenous Peoples Gamea kahapon sa football field ng Balakabak Elementary School dito.

Agad na nagpasikat ang mga pambato ng Barangay Balakbak at Cayapes matapos na kumuha ng tigalawang ginto sa magkaibang katutubong laro.

Sina Chris Bolistis, Jener Sagayo at Octavio Copere ang mga nag uwi ng ginto sa larong Dama para sa Barangay Balakbak habang naging pambato naman nila sa Sidking Aparador si Marfil Dip-as.

Sumandal naman ang Barangay Cayapes sa galing ni Melver Coilan sa larong Pakwel o bunong binti at nagwagi naman sa sungka si Zyra Mae Bulaga.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Hindi naman nagpahuli ang mga barangay ng Labueg sa pagkuha ng ginto sa larong sanggol o bunong braso habang ang barangay Gawiling naman ang nagwagi sa patintero.

Kakaibang saya ang naidulot ng pagsasagawa ng Philippune Sports Commission (PSC) sa IP Games ayon sa mga kalahok.

Nabigyan umano sila ng pagkakataon na maipakita ang husay at maibida sa sambayanan ang tradisyunal na laro ng kanilang lahi.

Samantala, kasalukuyang pinaglalabanan ang ginto sa mga larong kadang kadang, duck walk at prisoner’s base habang isinusulat ang balitang ito.

-Annie Abad