NAGPAKITA ng composure ang mas nakababatang koponan ng Ateneo-Motolite para makalusot sa dikdikang tatlong sets kontra sa mga beteranang Pocari Sweat-Air Force, 27-25, 25-21, 25-21, sa PVL Open Conference na idinaos sa Imus City Sports Center sa Cavite.
Sa katunayan, sa nabanggit na tatlong sets. napag-iwanan pa ang Lady Eagles ng Lady Warriors at humahabol na lamang sila sa dakong huli para agawin ang panalo.
“May mga mistakes pa rin, pero what’s good is the team is learning,” ani Ateneo head coach Oliver Almadro. “Veteran team ‘yung Pocari Sweat and we know how great their team is. We’re just very happy na we could execute just enough against them.”
Nanguna sa panalo sina middle blocker Bea De Leon at opposite hitter Kat Tolentino na kapwa may tig-12 puntos para sa Lady Eagles.
Ang 2-time league MVP na si Myla Pablo naman ang nag-iisang Lady Warrior na may double-digit sa itinala nitong 15 puntos.
Ang kabiguan ang ikalawang sunod para sa Pocari Sweat at pang-apat sa huling.lima nilang laban.
Umakyat naman ang Lady Eagles sa rekord na 6-2.
Nauna rito, napanatili ng Iriga-Navy Oragons na winless ang Adamson-Akari Lady Falcons matapos ang kanilang 25-18, 26-24, 25-23 pagwalis sa huli.
Tumapos si Joanne Bunag na may 16 puntos para pangunahan ang Lady Oragons sa ikalawa nilang panalo sa loob ng siyam na laro.
Umiskor naman si Ceasa Pinar ng pitong puntos para manguna sa ed Adamson na bumagsak sa ikawalong sunod nilang kabiguan.
-Marivic Awitan