KUNG mga minero ang think-tank ng ABS-CBN na in-assign sa Black Sheep, mukhang natumbok nila ang gold vein.Itong Black Sheep ang pinakabagong division ng Star Cinema, ang movie production arm ng Dos. Gumagawa ang Black Sheep ng mga pelikulang millennials ang target audience.
Ang first salvo nilang Exes Baggage romantic drama na pinagbibidahan nina Angelica Panganiban at Carlo Aquino, sa direksiyon ni Dan Villegas, ay humakot na ng P300 million simula nang ilabas sa mga sinehan nitong Setyembre.
Numbers don’t lie, at ipinagsisigawan nito na nagustuhan ng millennials ang Exes Baggage.
Napanood na namin sa special screening ang To Love Some Buddy, ang second offering ng Black Sheep na ipapalabas na sa October 31, at mukha ngang magtutuluy-tuloy ang paghahakot nila ng ginto sa minahan.
Pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo at Maja Salvador sa direksiyon ni Jason Paul Laxamana, agad maho-hook ang viewers sa pelikula sa opening pa lang. Pinuntahan ni Faith (Maja) ang dating kaklaseng si Julius (Zanjoe) sa bahay para sa “maliit na problema” na gustong ayusin ng dalaga.
Ano ang problema? Naipadala ni Faith ang kanyang nude photo kay Julius, na dapat ay para sa boyfriend niyang si July.
Ipinabubura niya ang nude photo, at revelation ng good character ni Julius na binura na pala agad nito ang picture. Binusisi ni Faith ang celfone ng binata, at burado na nga. Pero sigurista at hindi naniwala si Faith, hinalukay niya ang bahay ni Julius at ang laptop nito.
After ten years simulang grumadweyt, saka lang nag-umpisa ang love story nila.Tulad ng lahat na mga pelikula ni Jason Paul Laxamana, deadpan ang humor sa To Love Some Buddy.
Bigla ka na lang mapapahagalpak, tulad ng pagpapapili ni Faith kung kaninong puwet ang pipiliin ni Julius at kung anu-ano pang kabalbalan kapag in love ang tao. Maraming eksenang riot sa katatawanan ang pinaggagawa nina Maja at Zanjoe. At siyempre, mayroon ding iyakan.
Kung saan natapos ang love story nina Faith at Julius, na nagsimula sa na-missent nude photo, irerekomenda naming panoorin ninyo.
Hindi kayo magsasayang ng perang ibibili ng ticket at ng panahon.Consistent si Jason Paul Laxamana sa paggawa ng mga pelikulang magbabalik sa atin sa mga panahon na napakasarap pang umibig.Sisipagin uli kayong umibig sa pelikulang ito.
‘Yan ay kung tamad na ang inyong puso.
-DINDO M. BALARES