NAKATAKDANG ilunsad ng Pilipinas ang ikalawang micro satellite, na pinangalanang Diwata-2, sa International Space Station (ISS) sa Oktubre 29.
Ito ang inanunsiyo ni Dr. Fortunato de la Peña, kalihim ng Department of Science and Technology (DoST), kasabay ng pagbibigay ng mensahe bilang panauhing pandangal sa unang Philippine Mussel Congress sa Iloilo City, nitong Huwebes.
Sa isang panayam, ibinahagi ni De la Peña na ang ikalawang micro satellite ay binuo ng mga batang Pilipinong enhinyero sa ilalim ng patnubay at pamamahala ng mga eksperto ng Tohoku University sa Japan.
Nakatakda siyang samahan ni Senador Bam Aquino na siyang pinuno ng Senate Committee on Science and Technology sa nakatakdang paglulunsad ng 50-kilogram satellite sa Japan.
“Diwata 2 is carrying improved camera capabilities and it can also be used as a communication facility, particularly in times of emergencies,” pahayag ni De la Peña.
Ayon pa sa kanya, sa loob ng anim na taon mula 2017 hanggang 2022, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon na walang Philippine satellite na iikot.
“We are programming already that most likely there is already the third Diwata so that there will always be a Philippine satellite orbiting,” pagdaragdag ni De la Peña.
Samantala, sinabi rin ni De la Peña na bagamat inaasahan na nila ang Diwata-1 “[to] disintegrate already but it is still orbiting.”
Ang Diwata-1, na dinala sa ISS noong 2016, ay may mga camera na kayang kumuha ng larawan. Ngunit ang Diwata-2 ay may mas maayos at magandang mga camera.
PNA