NAGING makahulugang mga araw ang ika-24 hanggang 27 ng Oktubre para sa mga taga-Parokya ni Saint Clement sa Angono, Rizal sapagkat “dumalaw” ang replica ng imahen ng Black Nazarene ng Quiapo.
Dumating ang imahen ng Black Nazarene sa Angono nitong Okture 24. Sinalubong ng mga parishioner ng Parokya ni San Clemente, ng mga Kristiyanong Katoliko sa Angono, ng mga may panata at debosyon sa Black Nazarene mula sa iba’t ibang bayan sa Rizal, at ng iba’t ibang kapatiran sa Black Nazarene.
Mula sa harap ng munisipyo ng Angono sa Barangay San Isidro, na doon sinalubong ang imahen ng Black Nazarene, ay nagsimula ang prusisyon. Kasama sa prusisyon ang mga taga-Parokya ni San Clemente, mga miyembro ng iba’t ibang religious organization sa Angono, mga samahan at kapatiran sa Black Nazarene mula sa iba’t ibang bayan, mga grupo ng kababaihan at kalalakihan na deboto ng Black Nazarene. Ang mahabang prusisyon ay natapos sa simbahan ng parokya ni San Clemente. At matapos na mailagay ang andas ng Black Nazarene sa kanang bahagi ng altar ng simbahan, isang misa ang ginanap para sa Black Nazarene. Ang misa ay pinangunahan ni Father Gerry Evarola, kura paroko ng Parokya ni San Clemente.
Matapos ang misa ay sinundan ng “pahalik” sa imahen ng Black Nazarene. Sa dami ng mga deboto na humalik sa laylayan ng damit ng Black Nazarene at ipinahid ang kanilang mga panyo sa krus na pasan ng Black Nazarene, inabot ng mahabang oras bago natapos. Ang paghalik sa laylayan ng damit ng Black Nazarene at pagpapahid ng panyo sa krus ay hanggang 9:30 ng gabi. Habang pila ang humahalik sa damit ng Black Nazarene at nagpapahid ng panyo sa krus, may mga deboto naman na nagsagawa ng nobena.
Ayon sa mga taga-Parokya ni San Clemente, isang grand procession ng imahen ng Black Nazarene ang nakatakdang gawin sa gabi ng ika-27 ng Oktubre. Kasama sa prusisyon ang mga miyembro ng iba’t ibang religious organization sa parokya at mga deboto ng Black Nazarene na mula sa iba’t ibang bayan sa Rizal. Ang grand procession ay daraan sa mga pangunahing lansangan sa loob ng bayan ng Angono.
Ang pagdalaw ng imahen ng Black Nazarene sa parokya ni San Clemente sa Angono ay may iba’t ibang kahulugan sa mga deboto at may panata sa Black Nazarene. Marami ang nagsasabi na ito ay nagpapalalim lalo ng kanilang pananampalataya. Sa pamamagitan ng kanilang debosyon sa Black Nazarene, ang panalangin at hinihingi sa Diyos ay mga biyayang kanilang natatanggap. Lubos nilang ipinagpapasalamat.
Ang Black Nazarene ang patron saint ng Quiapo, na ang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Enero. Ang life size nito ay nagpapakita ng maitim na Kristo. Nakaluhod at may pasang krus. Ang imahen ay nililok ng isang karpinterong Aztec. Binili ng isang pari sa Mexico noong 1606. Dinala ang imahen ng isang pangkat ng mga prayleng Agustino-Recoleto na sakay sa barko.
Sa paglalakbay, nagkaroon ng sunog sa barko at nadamay ang imahen. Sa kabila nito, napagkaisahan ng mga prayleng Agustino-Recoleto na panatilihin ang nasabing imahen hanggang sa nakilala na ito sa tawag na Black Nazarene o Itim na Nazareno.
Ang imahen ng Black Nazarene ay inilagak sa Parokya ni San Juan Bautista sa Quiapo, Maynila noong 1787. Ang simbahan ay itinayo ng mga paring Dominiko (Dominican) noong 1586. Noong una ay yari lamang sa kawayan at mga pawid ang simbahan. Nasunog naman ang simbahan noong 1929 at muling itinayo noong 1930. At mula noon hanggang sa ngayon ang Quiapo church ay naging sentro ng debosyon sa Black Nazarene.
-Clemen Bautista