MAHIGIT 600 estudyante mula sa Far Eastern University (FEU), University of Santo Tomas (UST), at Holy Angel University (HAU) sa Pampanga ang sumali kamakailan sa ABS-CBN Docu Caravan, para matuto at mahasa ang husay sa paggawa ng dokumentaryo mula sa mga batikang journalist na sina Korina Sanchez-Roxas, Jeff Canoy, at iba pang producer ng ABS-CBN DocuCentral.

Sa unang edisyon ng Docu Caravan sa FEU, tinalakay ni Korina ang nilalaman ng isang mahusay na dokumentaryo at binigyang-diin ang halaga ng pagiging matiyaga sa pagtalakay at pagbusisi sa maiinit na isyu.

“Ang maiging pananaliksik ang pundasyon ng isang magandang dokumentaryo,” aniya. “Pumili kayo ng isyu na malapit sa inyo, at ikuwento ang karanasan ng karaniwang tao upang mas lumawak ang mararating ng kuwento o ng adbokasiya.”

Sinabi pa ni Korina na importanteng magsumikap na magpatupad ng pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng dokumentaryo at pagsasanaysay.

Plot twist? Bianca kinilig na sana, pero hindi pinili ni Dustin bilang duo

“Kung kaya mong maghatid ng impormasyon, kaya mo ring simulan ang solusyon,” dagdag niya.

Tampok rin sa FEU ang trailer ng Delikado Tayo, isang dokumentaryo tungkol sa estado ng HIV at AIDS sa bansa, mula kay Korina at sa ABS-CBN DocuCentral.

Sa UST at HAU naman, nagsagawa ng mga workshop ang DocuCentral sa paggawa ng dokumentaryo; mula sa pagpili ng magandang kuwento base sa pananaliksik, kung paano hinahasa ang abilidad sa paggamit ng camera at pagsusulat, hanggang sa paggamit ng social media upang maipaabot ang kuwento sa mas maraming tao.

Ayon naman kay Jeff, malaking bagay na maging tapat sa kuwento at maiugnay sa karanasan ng publiko ang dokumentaryo.

“Mas mahalaga parati ‘yung kuwento ng mga tao,” sabi ni Jeff. “Dapat katotohanan sa kwento nila ang ipapalabas mo, kasi malaking tiwala ang ibinigay nila sa ‘yo para marinig ang boses nila, at matulungan sila ng mas maraming tao.”

Isang proyekto ng nangungunang media at entertainment company sa bansa, ng Knowledge Channel, at ng Philippine Advocates for Communication Education Association, Inc. (PACE), layunin ng ABS-CBN Docu Caravan na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante sa pagbabahagi ng mga makabuluhang kuwento sa pamamagitan ng mga dokumentaryo.

Magandang preparasyon naman ang Docu Caravan sa mga estudyante, kasabay ng imbitasyon sa mga ito na sumali sa Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition ng Knowledge Channel, ABS-CBN, at PACE, na bahagi ng “Pinoy Media Congress Year 13” sa susunod na taon.

Para sa mga update tungkol sa ABS-CBN Docu Caravan, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, IG, at Twitter. Para sa karagdagang impormasyon sa Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition, bisitahin ang www.pinoymediacongress.com o magpadala ng email sa [email protected].

-Ador V. Saluta