Habang papalapit ang Halloween, sinabi ng Malacañang na kailangan ng Bureau of Customs (BoC) ng spiritual cleansing para mapurga ang mga tiwaling espiritu na gumagambala sa ahensiya.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na itinatalaga niya si dating Army chief Rey Guerrero para pamunuan ang ahensiya, at tinatanggal ang lahat ng BoC executives matapos ang insidente ng shabu smuggling noong Agosto.

Sa panayam sa radyo kahapon, sinabi ni Panelo na marahil ay kailangan ng spiritual intervention para mabago ang pag-uugali ng mga tao sa loob ng BOC.

“Ang problema kasi nasa tao eh. Siguro we have to… siguro kailangan mag-spiritual (cleansing) ang mga taong iyan,” aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Palagay ko kailangan ng internal transformation ng bawat mamamayan sa ating bansa. Kasi kapag may internally transformed ka kasi, ang kalaban mo sarili mo eh. Mahihiya ka sa sarili mong gumawa ng masama kasi nagiging spiritualized ka na,” dugtong niya.

“Kasi kung aasahan mo lang iyong sistema, hindi na magbabago,” patuloy niya.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS