MATAPOS na maupo si Customs Commissioner Isidro Lapeña sa ahensiya noong 2017, inanunsiyo na niya ang kanyang intensyon na gawing awtomatiko ang proseso sa ahensiya upang mapabilis ang serbisyo nito para mapamahalaan ang kalakalan at mabawasan ang kurapsiyon. Ang tanggapan, aniya, ay may limang araw na itinakdang oras para sa pagpoproseso ng mga kargamento. Kung magkaroon ng pagkaantala, maaari naman itong idaan sa negosasyon.
Sa katunayan, taong 2013 pa lamang ay mayroon nang P418-milyong Integrated Philippine Customs System project ang Bureau of Customs, na ang isa sa mga pangunahing tunguhin ang “full computerization.” Sa pamamagitan ng computerization, hindi kakailanganin ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga importer at mga empleyado ng customs; mawawala na sa kalakaran ang mga fixers. Gayunman, sa kabila nito, hindi kailanman naipatupad ang full computerization.
Sa kanyang pagkakatalaga bilang hepe ng Customs noong Agosto, 2017, inanunsiyo ni Commisioner Lapena ang ‘five-point program’ upang maihinto ang kurapsiyon, mapataas ang kita, mapamahalaan ang kalakalan, mapalakas ang pagsisikap kontra-smuggling, at mapaunlad ang personnel incentives. Upang maisakatuparan ang mga tunguhing ito, nangako siya na ia-upgrade sa computerization ang customs system at proseso nito.
Matatandaan natin lahat ng ito ngayon sa harap ng kaguluhan na kinasasangkutan ni Customs Commissioner Lapena at Director General Aaron Aquino ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa apat na magnetic lifters na natagpuan sa Cavite, na pinaniniwalaang ginamit upang makapagpuslit ng shabu. Dalawang magnetic lifters ang una nang nasabat sa Manila International Container Port na naglalaman ng shabung nagkakahala ng P2.4 bilyon.
Pinaratangan ng isang deputy collector sa Ninoy Aquino International Airport na binalewala ng mga opisyal ng Customs ang nauna nang ulat ng shabu na nakasilid sa loob ng magnetic lifters na nakuha sa Cavite, sumbong na binigyang pansin ng PDEA chief. Nitong Martes, sinabi ni Customs Commissioner Lapena na isang sindikato ng droga ang lumalabas na nasa likod ng isang sistematikong ‘demolition job’ laban sa kanya.
Matagal nang nagsasagawa ng mga pagdinig ang House Committee on Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Rep. Robert Ace Barbers, hinggil sa umano’y nakalusot na kargamento ng shabu, na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon, na nakalusot nga sa paniniktik sa magnetic lifters na natagpuan sa Cavite. Dapat na matukoy sa pagsisiyasat ng Kamara kung mayroon nga talagang kargamento na nagawang makalusot sa deteksiyon ng Bureau of Customs.
Ngunit isa lamang itong parte ng malaking problema ng operasyon ng droga ng mga sindikato sa bansa, na ayon kay Commissioner Lapena ay nasa likod ng demolition job laban sa kanya. Ang plano aniyang pagpapatupad ng full computerization sa operasyon ng Customs sa susunod na taon ang maaaring dahilan ng tangkang pagpapatalsik sa kanya.
Nitong Huwebes, nagdesisyon si Pangulong Duterte na ilipat si Lapena sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at pinangalanan si Rey Leonardo Guerrero bilang kahalili niya. Sa takdang panahon, dapat na mabigyan-linaw ng Kamara ang buong isyung ito. Anuman ang maging resulta, kailangang magpatuloy ang planong computerization ni Commissioner Lapena. Matagal na itong natengga sa pagpaplano, na pilit pinipigilan ng lahat ng nakikinabang sa kasalukuyang sistema. Nararapat na maihinto na nito ang mga iregularidad na matagal nang nagbigay ng masamang imahe sa Bureau of Customs.