Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2:00 n.h. -- Ateneo vs NU
4:00 n.h. -- FEU vs La Salle
MAPATATAG ang kapit sa solong pangunguna ang tatangkain ng reigning titlist Ateneo de Manila sa muling pagsagupa sa season host National University sa unang laro ngayon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Nagsosolo sa kasalukuyan ang Blue Eagles sa liderato hawak ang barahang 8-2, isang panalo ang kalamangan sa pumapangalawang Adamson Falcons (7-2).
Hawak naman ang kartadang 3-6, sisikaping makaahon ng NU mula sa kinaluluklukang solong ika-6 na puwesto upang patuloy na buhayin ang pag-asang umabot sa susunod na round.
Tatangkain ng Bulldogs na bumawi sa natamong 46-72 pagkabigo sa kamay ng Blue Eagles nang una silang magtuos noong nakaraang Setyembre 22.
Magkasunod naman sa kasalukuyan sa upper half ng team standings, magtutunggali sa tampok na laro upang mapanatili ang kanilang pagkakaluklok sa top 4 ang De La Salle University at Far Eastern University ganap na 4:00 ng hapon pagkatapos ng tapatang Ateneo-NU na sisimulan ng 2:00 ng hapon.
Sisikapin ng Tamaraws na maulit ang 68-61 na panalo kontra Green Archers noong Setyembre 9 upang makahulagpos sa pagkakatabla sa University of the Philippines na siyang huling tumalo sa kanila (5-5).
Inaasahang maglalaro at tiyak na magbabawi mula sa kanyang natamong dalawang larong suspensiyon si Tamaraws forward Arvin Tolentino na tiniyak ni FEU coach Olsen Racela na natuto na ng kanyang leksiyon.
-Marivic Awitan