Aabot sa apat na milyong katao ang inaasahang bibisita sa mga sementeryo sa Metro Manila sa Nobyembre 1, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO chief, Director Guillermo Eleazar, inaasahang mas marami ang bibisita sa mga sementeryo ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 3,583,765.
Aniya, tinatayang nasa 1.5 milyong katao ang magtutungo sa Manila North at Manila South cemeteries pa lamang.
Inumpisahan na rin umano ang mga preparasyon upang matiyak ang seguridad sa Undas.
Ayon kay Eleazar, aabot sa 2,556 na pulis ang ipapakalat sa 78 sementeryo sa NCR habang 234 naman sa 38 columbariums.
Bukod dito, maglalagay din ng police assistance desks sa lahat ng trangkahan ng mga sementeryo upang tugunan ang pangangailangan ng publiko.
Titiyakin din umano ng mga awtoridad ang seguridad sa 296 na bus terminals, PNR, MRT-3, LRT 1 at 2 stations at apat na paliparan.
DPWH LAKBAY-ALALAY, HANDA NA
Binuhay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ‘Lakbay Alalay’ program upang tumulong sa mga uuwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Undas.
Iniutos ni DPWH Secretary Mark Villar sa lahat ng kawani ng kagawaran na maglagay ng assistance centers na tatauhan ng mga regional at district o city offices.
Nakahanda rin ang mga mekaniko na may mga equipment at service vehicles sa matataong lugar upang tumulong sa mga motorista at pedestrian.
Ang DPWH assistance centers ay itatayo sa mga pangunahing lansangan at mga tulay sa pamamagitan ng round-the-clock shifting, simula 7:00 ng umaga ng Miyerkules ng Oktubre 31 hanggang12:00 ng tanghali ng Lunes, Nobyembre 4.
-Fer Taboy at Mina Navarro