ZAMBOANGA CITY - Tatlong sundalo at isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasawi habang tatlo pang sundalo ang nasugatan matapos na magbakbakan ang dalawang grupo sa liblib na bahagi ng Patikul, Sulu, kahapon.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) Spokesman, Army Lt. Col. Gerry Besana.
Aniya, natiyempuhan ng mga sundalong miyembro ng Joint Task Force Sulu ang hindi mabatid na bilang ng bandidong ASG sa Barangay Timpook ng nabanggit na bayan, kahapon ng umaga.
Ayon pa kay Besana, matapos ang engkuwentro ay kaagad na nasawi ang tatlong sundalo habang sugatan naman ang tatlo nilang kasamahan. Habang tinutugis ang tumatakas na grupong bandido, narekober ng militar ang isang bangkay ng kaanib ng ASG na hawak pa ang kanyang armas na M14 rifle at pitong M14 magazine.
Sabi ni Besana, ang nakalaban nilang grupo ay pinamunuan ng sub leaders nito na sina Alnijar Ekit at Aldi Alun
-NONOY E. LACSON