PINAALALAHANAN ng nakapiit na Sen. Leila de Lima si Sen. Trillanes na hindi dapat ito maging kampante sa naging desisyon ng korte ng Makati. “Hindi magtatapos dito ang pagnanais nina Pangulong Duterte at ng Department of Jusice (DoJ) na ipakulong ito. Gagawin ng mga ito ang lahat kahit impluwensihan nila ang hudikatura at Korte Suprema,” wika ng Senadora.
Totoo nga naman dahil sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na napakaaga pa para ipagdiwang ni Sen. Trillanes ang desisyon ng Regional Trial Court ng Makati na nagbasura sa kahilingan ng Malacañang na ipaaresto ito. Dadalhin ng Malacañang ang labanan hanggang sa Kataas-taasang Hukuman para buhayin ang 15 taon nang kasong coup d’etat laban sa senador hinggil sa 2003 Oakwood mutinee at ang desisyon ni Makati RTC Judge Andres Soriano sa Court of Appeals. Hindi na raw ito magpa-file ng motion for reconsideration. Pero, ito naman ang gagawin ng DoJ. “Ang DoJ, at hindi ang Office of the Solicitor General, ang magpapasiya kung ano ang nararapat na legal na hakbang,” sabi ni DoJ Secretary Menardo Guevarra. Inanunsiyo niya na ang DoJ ay maghahain ng motion for reconsideration ngayong Biyernes sa naging desisyon ni Judge Soriano.
Kung totoo ang sinabi ni Sec. Guevarra na ngayong Biyernes ipa-file ng DoJ ang motion for reconsideration, ginawa na niya ito at handa na siyang isumite ito sa korte. Dapat ay alam na ito ni Panelo at dapat rin niyang malaman na ang DoJ ang gumagawa ng hakbang, at hindi ang opisina ni Solgen Calida, tulad ng tinuran ni Sec. Guevarra sa mga reporter, para remedyuhan ang desisyon ni Judge Soriano.
Ano ang pinagbatayan ni Panelo para ihayag sa media na si Calida ang mag-aapela sa nasabing desisyong sa Court of Appeals at hindi na ito magsusumite ng motion for reconsideration para baligtarin o baguhin ito? Wala nang koordinasyon ang mga nagpapatakbo ng makinarya ng administrasyong Duterte. Pinatingkad lang nito ang nangyayari sa iba’t ibang departamento ng gobyerno, lalo na sa Department of Agriculture (DA) at BoC. Lumitaw ito sa naging problema sa bigas at droga.
Ayon kay Panelo, mali ang pakahulugan ng korte sa mga ebedensiya ni Sen. Trillanes sa pangunahing isyu kung nag-apply siya ng amnestiya. Iba kasi ang paniniwala ni Judge Elmo Almeda ng Makati RTC, Branch 150 na dumidinig naman ng kasong rebelyon laban sa Senador. Hindi raw nag-apply ng amnestiya ang Senador dahil wala sa records ng Department of National Defense (DND) ang kanyang application. Pero, sa pagdinig na naganap sa sala ni Judge Soriano, lumabas na nawala ang mga records ng amnestiyang iginawad, hindi lamang iyong kay Trillanes kundi maging sa iba pang nakasama niyang mag-aklas laban kay dating Pangulong Gloria. Kaya, tama lamang na sabihin ni Judge Soriano na hindi komo wala sa rekord ang application ni Trillanes, ay hindi na ito nag-apply. May nakabimbing motion for reconsideration ang senador para baguhin ni Judge Almeda ang kanyang desisyon. Kung ito ay kanyang paninindigan o babaguhin, nasa kanya na kung maniniwala siya sa tinuran ng senador sa desisyon ng kapwa niya hukom na si Soriano na ito ay “pagwawagi ng katarungan, katotohanan at demokrasya.
-Ric Valmonte