KAGAYA ng palaging nangyayari tuwing may isinasagawang imbestigasyon ang kongreso hinggil sa mainit na isyu sa bansa, pinukol ng kantiyaw, pang-uuyam at may matutunog na pagmumura pa nga, ang sinasabi ng mga ordinaryong mamamayan na ‘sarsuwela’ sa loob ng Batasan Complex sa Quezon City.

Nasabi ko ito matapos kong muling maglibot kahapon sa mga lugar na kuhanan ko ng ‘pulso ng bayan’ tuwing may malaking balitang pinag-uusapan, lalo pa’t tinatalakay ito sa isang imbestigasyon sa kongreso at senado. Gaya kahapon na ang mainit na paksa ng mga usap-usapan ay ang pagdinig sa kongreso hinggil sa nawawalang P6.8 bilyon na shabu na itinago sa isang ‘magnetic lifter’ na nakalusot sa Bureau of Custom (BoC).

Lugar na daanan, sakayan, at bilihan ng kahit anong bagay ng mga ordinaryong mamamayan – na palagi na lamang nadedehado sa anumang desisyong pampulikita ng ating pamahalaan, gayung karamihan sa kanila ang siyang dahilan nang pagkakaupo sa puwesto ng mga ‘hunyango’ raw na pulitikong ito – ang aking mga nakausap.

Ang pinakamainit na usapan ay nasagap ko sa loob ng isang UV Express na naghihintay na mapuno ng mga pasahero, sa isang terminal sa loob ng compound ng isang malaking mall sa Quezon City.

Isang senior citizen na nakaupo sa tabi ng drayber na matamang nanonood sa maliit na TV sa may dashboard ng van ang biglang pasigaw na nagmura: “Pxxxxg Ixa naman, bakit yung kumakalaban sa droga ang iginigisa ng mga tongresman na ito, dapat ‘yung nagpalusot sa bilyong shabu ang tirahin nila!”

Na agad namang kinatigan nikuya na naka-earphone -- at sa palagay ko ay gaya rin ng ibang tutok sa kanilang mga smart phone ay naka-monitor din sa naka live streaming na hearing sa congress – at malakas na nagsabi ng ganito: “Kawawa naman si Atorni Mangaoang, tanging babaeng may bayag sa BoC, dahil ang lakas ng loob niya na kalabanin ang mga protektor ng droga sa Adwana!”

“Halatang-halata kung saan at kanino nakakiling ang mga congressman na ito – ang pinagagalitan ay ‘yung nag-eexpose ng pagsasabuwatan sa BoC at mga sindikato ng droga,” ang sabi naman ni ate sabay turo sa congressman na nagtatanong sa maliit na screen ng TV. “Kung pwede lang tirisin ko ‘yan na parang kuto, kanina ko pa ginawa!” dagdag pa ni ate kasabay ng tawanan sa loob ng van.

Ang tumimo sa aking isipan ay ang sinabi ng isang nagpakilalang dating empleyado ng malaking junkyard sa Novaliches, at gamit nila ang magnetic lifter sa pag-angat ng mga mabibigat na bakal. “’Yung magnetic lifter walang magnet ‘yun. Nagkakamagnet lang ito, na ang tawag “electro magnet”, kapag dinaluyan ng kuryente ang mga magnetic wire na nakapulupot sa mga metal plate, na matatagpuan sa bakanteng gitna ng lifter. Kaya kung walang electro magnet sa nasabing magnetic lifter – siguradong gagamitin o ginamit lang itong taguan ng kontrabando. Dapat napansin ito ng mga expert sa BoC. Pero kung patong sila, sure ako wala silang mapapansin!”

Tumahimik sa loob ng van, lahat nag-iisip sa sinabi ni ‘engineer’ nang biglang ang lahat ng mata ay napako sa TV upang panoorin at pakinggan ang mga huling salitang binitiwan ni Rep. Romeo Acop kay Mangaoang.

Matapos kasi ang may ilang oras na panlalait ng mga congressman kay Atty. Mangaoang, ay hinarap ito ni Rep. Acop, na isang dating heneral at pinuno ng respetadong Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kumambiyo siya sa pagiging kritiko ni Mangaoang at pinuri ang mga naging pagsagot at pagpapaliwanag nito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.