KINUMPIRMA ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na mismong ang Malacañang ang nagtanggal kay Nora Aunor sa listahan ng walong kikilalanin bilang mga bagong National Artist.
Ito ang inihayag ni NCCA Chairman Virgilio Almario sa harap ng Malacañang reporters kasunod ng awarding ceremony sa Palasyo para sa mga bagong National Artist nitong Miyerkules ng gabi.
Sa panayam, sinabi ni Almario na awtomatikong kabilang ang Superstar sa listahan ng hihiranging National Artists matapos itong maitsapuwera ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
“Sa rule kasi ng National Artist, ‘pag nakarating ka na sa list na ipinadala sa Presidente, kahit ‘di ka nabigyan ng award, automatically ilalagay ka uli, isa-submit ka uli for proclamation sa Presidente,” paliwanag ni Almario.
“I think merong honors body na nag-a-advise din sa Presidente. So ‘di ko rin alam sinu-sino ‘yun.”Inamin ni Almario na bagamat ang minsang pagkakasangkot ni Ate Guy sa ilegal na droga ang isa sa mga posibleng dahilan kung bakit hindi ikinonsidera ng administrasyong Aquino si Nora para sa prestihiyosong parangal, sinabi ng NCCA Chief na wala siyang ideya kung bakit sa pagkakataong ito, sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay naging mailap na naman para sa mahusay na aktres ang nasabing pagkilala.
“Noong nakaraan (Aquino administration) maugong ‘yan (isyu ng droga). Ngayon, wala kaming information whatsoever,” ani Almario.
“Ngayon, lahat ng nominated naman nakapasa except kay Nora,” sabi ni Almario. “Wala kaming inkling whatsoever, sa nakaraang ruling ng Supreme Court, the President can make bawas, not dagdag.”
Sinabi naman ni Almario na kailangan na ngayong talakayin ng NCCA kung ino-nominate pa rin si Nora sa mga susunod na taon para maging National Artist, dahil dalawang beses na itong tinanggal sa listahan ng dalawang Pangulo ng bansa.
“Ngayon lang may nangyari ito na may nabawas...kailangan naming pag-usapan sa Board ano magandang gawin,” sabi ni Almario.
Gayunman, naniniwala si Almario na ang mga usaping personal ay dapat na ihiwalay sa pagpapasya kung sino ang ipoproklamang National Artist.
“Alam mo ‘yang problemang ‘yan laging pinagtatalunan, walang katapusan,” sabi ni Almario. “Pero as of now, ang decision ng Board, higit na mahalaga ‘yung ginawa ng tao sa kanyang sining kaysa sa kanyang buhay.”Naproklamang National Artists ngayong taon sina Ryan Cayabyab (music), Kidlat Tahimik (film), Francisco Mañosa (architecture), Resil Mojares (literature), at Amelia Lapeña Bonifacio (theatre).
Posthumous naman ang National Artist award para kina Ramon Muzones (literature), at Larry Alcala (visual arts).
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS