MARTES nang pumutok ang balitang hindi na naman napili si Nora Aunor bilang National Artist 2018. Kasunod nito ay nagwawala na ang mga Noranians dahil nalampasan na naman ang nag-iisang Superstar.
Ang filmmaker na si Kidlat Tahimik ang kinilalang National Artist for Film
Habang pinapanood naman namin ang TV Patrol nitong Miyerkules nang gabi, kung saan iginawad ni President Rodrigo R. Duterte ang award kay Kidlat, marami kaming natanggap na mensahe mula sa ilang Noranians at galit sila. Gusto nilang ipasulat ang kanilang nararamdaman, pero kinalma namin sila at sinabihang si Nora na lang ang kukuhanan namin ng reaksiyon.
Nagpadala naman si Nora ng official statement sa media: “Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng mga NORANIANS at kaibigang nagtitiwala sa aking kakayahan at kontribusyon sa sining at kultura.
“Hindi ko po ito hinahangad at dahil talaga namang wala ang isang hamak na Nora Aunor kung wala po ang mga NORANIANS at ang mga kasamahan ko sa industriyang musika, entablado at pelikulang Filipino noon at ngayon, na maraming magagaling at matatalinong taong humubog sa aking talento.
“Sapat na po ang respetong natatanggap ko sa mga kasamahan ko sa trabaho. Kung gagamitin lang naman ang National Artist para pagpiyestahan at hamakin ang mga personal kong pagpupunyagi sa buhay – ako na ang nakikiusap na itigil na po natin ang lahat nang ito.
“Ano ba naman ang isang award kung kapalit naman nito’y ang paulit-ulit na paghamak sa pagkatao ko at sa mga taong naniniwala sa akin? Mas makabubuti pong ipagpatuloy na lang natin ang paglikha ng makabuluhang pelikula at mga awit na magsisilbing inspirasyon sa ating mga Filipino.
“Mas matutulungan natin ang mga bagong filmmakers at mga bagong mang-aawit kasama ang mga beteranong aktor at aktres, mga direktor, mga manunulat, na mapagbuti ang kanilang sining.
“Hindi ako ang binastos at pinaglaruan nila kungdi ang mga Noranians, mga taong nagtitiwala at naniniwala pa rin sa talentong ibinigay ng Diyos sa akin. Isa pa, hindi kasi ako pulitikong tao.
“Tuloy lang ang buhay. Tuloy ang trabaho hangga’t binibiyayaan pa rin ako ng Diyos para makapagtrabaho. Kaya sa mga minamahal kong mga Noranians at mga kaibigan, huwag na kayong malungkot o masaktan.
“Kalimutan na natin ang National Artist na ‘yan. At para maging masaya ang buhay natin manood na lang kayo ng Onanay, Lunes hanggang Biyernes sa Channel 7. CHEERS!!!”
-REGGEE BONOAN