Nagpahaging kahapon si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña na hindi siya magbibitiw sa posisyon sa kabila ng maraming panawagan para rito kaugnay ng aabot umano sa P11-bilyon shabu shipment na nakalusot sa kanyang ahensiya noong Agosto.

Ito ang inihayag ni Lapeña kahapon, isang araw makaraang magbago siya ng isip ang sabihing naniniwala siya na shabu nga ang laman ng apat na magnetic lifters na nadiskubre sa GMA, Cavite noong Agosto.

“The President placed me there (BoC) to accomplish a mission, and that is to stop corruption and increase revenue collection. I have been delivering,” sinabi ni Lapeña sa press briefing sa Malacañang kahapon.

MAGPAPAIMBESTIGA

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi rin niyang handa siyang sumailalim sa imbestigasyon ng Senado at Kamara kaugnay ng usapin.

“I will submit myself to the result of that investigation. I will abide kung ano ang magiging resulta ng mga investigation na ito. And exactly, I did,” ani Lapeña.

Sinabi rin ng hepe ng BoC na hindi pa sila nakakapag-usap ni Pangulong Duterte tungkol sa isyu, bagamat tiniyak niyang magsusumite siya ng report kay Executive Secretary Salvador Medialdea kahapon.

NAKUMBINSE

Samantala, sinabi ni Lapeña na ang paliwanag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol sa lifter ang nakapagbago ng kanyang isipan—makaraan ang ilang buwang paggiit na walang shabu ang mga nasabing container, taliwas sa iginigiit naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.

“Because the DPWH presentation presented that the four magnetic lifters were not designed to lift scrapped metal. It was designed to conceal cargo,” paliwanag ni Lapeña. “We are talking of the technical examination of the apat na magnetic lifter. Ang (The) PDEA has no expertise to examine that way. It is the DPWH.”

NASA P11 BILYON LAHAT

Gayunman, kinontra pa rin ni Lapeña ang bagong taya ni Aquino na aabot sa may kabuuang P11 bilyon, at hindi P6.8 bilyon lang, ang laman ng apat na magnetic lifter.

“Ang sinasabi lang naman dati P6.8 billion, eh. Hindi ko alam kung bakit naging P11 billion,” aniya. “We have to do some computation dito. Do the arithmetic, and you will not arrive at more than 1,000 [kilos].”Sinabi naman ni Aquino na muling tinimbang ng PDEA ang apat na lifter at natuklasang gumaan ito ng mahigit 1.6 tonelada, o 1,600 kilo, kumpara sa idineklara nilang bigat sa bill of lading ng BoC.

“Ang lumabas doon sa ating pagtitimbang, re-weighing doon sa apat na magnetic lifters, lumabas doon ay 1,618.8 kilos. So i-multiply mo ‘yun ng P6.8 milyon bawat kilo, it will turn out to become P11 billion worth of drugs,” sabi ni Aquino.

-Argyll Cyrus B. Geducos, ulat nina Beth Camia at Mary Ann Santiago