Pormal na ipinakilala kahapon ng Oposisyon Koalisyon ang mga kandidato nito para sa pagka-senador sa halalan 2019 sa Barangay Parang Covered Court sa Marikina City.
Sa slogan na “Makinig. Matuto. Kumilos.”, ibinida ni Oposisyon Koalisyon Campaign Manager Sen. Kiko Pangilinan ang mga katangiang kinakatawan ng kanilang mga pambato.
“Pagtiwalag ito sa “follow me!” leadership model na dahilan ng paghahari ng personality politics at sistemang padrino sa bansa. Isa itong bagong kinabukasang pulitikal; isang sigaw para sa pamumunong bukas, aktibista, at responsable,” ani Pangilinan.
Kabilang sa senatorial slate sina Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano, re-electionist Sen. Bam Aquino, human rights lawyer Chel Diokno, dating representative Lorenzo “Erin” Tanada, dating presidential candidate Mar Roxas, civic leader Samira Gutoc, dating solicitor general Pilo Hilbay, at election lawyer Romy Macalintal.
Sinabi ni Alejano na ang mga peklat sa kanyang katawan ay mga patunay na nilalabanan niya ang mga kalaban ng estado.
“Ang mga sugat na ito ay hindi mga ordinaryong sugat. Ito po ay tanda ng aking misyon sa buhay na kayo po ay ipagtanggol, kayo po ay ipaglaban,” aniya.
Dumalo sa okasyon sina Vice President Maria Leonora “Leni” Robredo at dating president Benigno “Noynoy” Aquino.
“Ang laban ng walo, laban ng bawat Pilipino,” deklara ni Robredo.
-LEONEL M. ABASOLA at JHON ALDRIN CASINAS