NGAYONG pasok na ang ‘ber’ months, wala na tayong kawala sa matinding trapik.

Sa umaga, tanghali at gabi, ay trapik maski saang sulok ng Metro Manila.

Halos araw-araw, pati Linggo, ay tila wala nang katapusan ang ganitong problema.

May pag-asa pa bang malagpasan nating mga taga-Metro Manila ang ganitong sitwasyon?

Konting haba pa ng pasensiya, amigo.

Bukod sa dami ng sasakyan na bumibiyahe sa lansangan, alam naman natin na kaliwa’t kanan din ang mga kinukumpuning imprastraktura sa Kalakhang Maynila.

Ang lahat ng ito ay minamadali upang lumuwag ang daloy ng sasakyan.

Base sa pagtaya ng gobyerno, aabutin mula tatlo hanggang limang taon pa bago natin makumpleto ang pagkukumpuni ng mga dambuhalang imprastraktura tulad ng Skyway 3, passenger terminal, metro subway system, bagong tulay at iba pa.

Bilyun-bilyung piso ang ibinubuhos ng pamahalaan para sa mga ito. At sana naman, walang mapunta sa bulsa ng mga contractor at kawani ng gobyerno na umaaktong ‘komisyuner’ o mga mahilig humingi ng komisyon.

Kamakailan ay nagkaroon ng pagkakataon si Boy Commute na pasadahan ang Osmeña Highway sa Makati at Maynila at laking tuwa nito nang makita ang isang bahagi ng Skyway 3 na halos tapos nang makumpuni.

Mahigit dalawang taon din ang pagdurusa ng mga motorista na dumaraan dito dahil sa matinding trapik na idinulot ng konstruksiyon ng bahagi ng Skyway 3, lalo na sa bahagi ng Buendia Avenue at Vito Cruz Street.

Subalit ngayon, nakamamangha ang malaking istraktura na magdurugtong sa South Luzon Expressway at Northern Luzon Expresway.

Malaking ginhawa para sa mga patungong norte at katimugan ng Metro Manila ang Skyway 3.

At dahil ito ay proyekto ng pribadong grupo, asahan natin na butas ang bulsa natin sa toll fee kapag nagsimula na ang operasyon ito.

Nagmistulang isang malaking ‘waiting shed’ ang bahaging iyo ng Skyway 3 para sa mga rider ng motorsiklo tuwing umuulan. Ang sarap din magmaneho dito dahil nakaiiwas ang motorista sa init ng araw.

Subalit sa bahagi ng Quirino Highway patungong Pandacan area ay madugo pa rin ang trapik dahil sa pagtatayo ng malaking haligi para sa Skyway 3.

Marami pang ibang imprastraktura na kapag natapos ay malaking ginhawa ang maidudulot para sa atin.

Sana’y hindi lamang tayo puro reklamo.

Konting tiis pa at magbubunga na rin ng maganda ang ilang taon nating sakripisyo sa trapik.

Lalo na’t malapit na ang Kapaskuhan.

Labanan natin ang ating pagkainip sa pagiging positibo.

-Aris Ilagan