MULING bumabalik sa aking pandinig ang dati’y mga katagang binitawan ng isang cameraman ng PTV-4 noong namamasukan pa ako doon na tumagal nang mahigit sampung taon. Lumapit siya sa akin at sinabing, “Sir Erik, pagod na ako maging Pilipino”. Malalim ang pinaghuhugutang diwa sa kanyang mga salita.
Ang kuwento ng ating mga pamilya ay iba’t ibang kabanata ng sakripisyo ng mga magulang upang mapaaral ang kanilang mga supling. Kapag kinapos, ang pinakamatandang kuya o ate ang tumitigil sa pag-aaral upang ang mga batang kapatid ay makapagpatuloy sa pagpasok sa eskuwelahan.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, nandiyan ang kuwento sa pamamaluktot, paghahanap ng trabaho, at payat na suweldo, na kinakaltasan pa ng kontribusyon sa Pag-Ibig, SSS, Phil-Health at iba pa. Nandoon pa rin ang pambayad ng utang sa mga tindahan at kapit-bahay na pinagkakautangan.
‘Di rin mataguan ang mga “Bombay” na pinagkakautangan sa 5-6. Walang kalinawang natatanaw sa kinabukasan ang mga Pinoy dahil sa nangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Gaya na lamang ng haba ng pila sa MRT, pagtaas ng singil sa jeep at bus, pagkakaroon ng baha, pagtulo ng tubig sa bubungan ng mga bahay kung umuulan, matatagpuang basura kung saan-saan, samu’t-suring sakit, kakapusan sa gamot. Maliban na nga lang kung mananalo sa Lotto o kaya naman ay magtatrabaho sa ibang bansa.
Dagdag kalbaryo sa kasalukuyan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ito ay dahil sa TRAIN Law, na nagpapataw ng dagdag na buwis sa langis, asukal, at mga pangunahing pangangailangan ng pangkaraniwang Pilipino.
Natatanong ko nga – bakit may ‘excise tax’, eh, kung sa pagkolekta nga ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kabuuan ng tamang buwis, hindi naman siento-por-siento? Hindi ba puwedeng mas atupagin muna nila ang pagpapatupad ng epektibong pagkolekta ng tamang buwis? Dahil sa pagkaalam ko, kung maitataas ng BIR ang koleksyon nito sa 90%, hindi na kailangan pang dagdagan ang pako sa kamay ng sambayanan. Maiiwasan din ng pamahalaan ang mangutang para sa mga tustusin ng bansa.
Dagdag dagok kasi talaga ang pagsirit ng presyo ng bilihin sa mga Pinoy, gayundin ang mabagal na pagresponde ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA) hinggil sa kakulangan ng supply ng bigas. May tatlong krus pang pinapasan si Juan de la Cruz, ang presyo sa tubig, kuryente, at langis. Dahil pribadong negosyo ang may tangan ng mga naturang sektor, asahang aakyat pa ito sa kalaunan. Noon ko pa mungkahi na ibalik sa gobyerno ang pagpapalakad sa mga nasabing sektor.
-Erik Espina