IBINASURA ng Makati Regional Trial Court ang aksiyong inihain ng prosekusyon para sa pagpapalabas ng warrant of arrest at hold-departure order kay Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng kasong coup d’etat na inihain para sa kanyang naging partisipasyon sa 2003 Oakwood Mutiny sa Makati.

Sinabi ni judge Andres Bartolome Soriano ng Makati RTC Branch 148 na, “[there’s] no reason to disturb the doctrine of immutability of a final and executor judgement.” Ang kaso laban kay Trillanes, aniya, ay napawalang-bisa na noong 2011 matapos itong pagkalooban ni Pangulong Benigno S. Aquino III ng amnestiya.

Kinikilala ng hukom ang Proclamation 572 na ipinalabas ni Pangulong Duterte na nagpapawalang-bisa sa amnestiya dulot ng kabiguan ni Trillanes na makapag-apply ng amnestiya at aminin ang kanyang pagkakasala. Gayunman, sa naging pasya ng korte, tumupad sa Trillanes sa paghahain nito ng aplikasyon para sa amnestiya at inamin din nito ang kanyang kasalanan sa naganap na pag-aalsa, base sa iprinesentang ebidensiya ng senador.

Kasabay nito, sinabi rin ni Judge Soriano na malinaw na sakop ng kapangyarihan ni Pangulong Duterte na magpalabas ng Proclamation 572. “It is purely an executive act and prerogative in the exercise of the President’s power of control and supervision over offices and agencies of the executive department,” aniya.

Inihayag naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra, ng Department of Justice (DoJ), na iaapela ng DoJ ang desisyon sa mas mataas na hukuman. Ang sunod na hukumang ito ay ang Court of Appeals, ngunit mayroon nang nakabimbin na petisyon si Senador Trillanes sa Korte Suprema na kumakalaban sa konstitusyonalidad ng Proklamasyon 572.

Maaaring pag-aralan ng Court of Appeals ang naging pasya ng Makati RTC na tiyak nga ang naging paghahain ni Trillanes para sa amnestiya at inamin na rin nito ang kanyang pagkakasala, na tumutupad sa mga kailangan para sa isang presidential amnesty. Ngunit tanging ang Korte Suprema lamang ang magkapagbibigay makapagreresolba sa konstitusyonalidad ng Presidential Proclamation 572.

Bukod sa mga legal at konstitusyonal na isyu, tinututukan ng bansa ang kaso na ito dahil sa pulitikal na implikasyon, si Senador Trillanes bilang mahigpit na kritiko ng mga aksiyon at desisyon ni Pangulong Duterte. Naging masugid din ito sa pagbatikos sa mga dating opisyal, lalo na kina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at dating Bise Presidente Jejomar Binay.

Pinili ng mga opisyal na ito na harapin si Trillanes sa mga pagdinig at pagpupulong. Tanging si Pangulong Duterte lamang ang piniling maglabas ng isang presidential proclamation na naghahangad na maibalik si Senador Trillanes sa kulungan.

Sa huli, ang mga pulitikal na isyu ay pagpapasyahan ng mga tao sa eleksiyon. Habang nakasalaylay sa Korte Suprema ang desisyon sa legal at konstitusyunal na suliranin na itinaas ng korte ng Makati.