PINADAPA ng National University ang Adamson University, 86-58, para sa kanilang rekord na ika-73 sunod na panalo kahapon sa UAAP Season 81 women’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Dahil sa panalo, napantayan ng tropa ni coach Pat Aquino ang rekord ng Adamson Lady Falcons’ softball team winning streak na nagsimula noong Enero 2010 at natapos noong Marso 2016.
“My mindset is to win this game. Let’s forget the streak. Let’s forget 73-0. Let’s forget 9-0. It’s just a game that we have to play,” wika ni Aquino.
“The pressure is already mounting. I told my players to let’s just go out and play our game,” aniya.
Nanguna si Congolese Rhena Itesi na nagposte ng 23 puntos, 14 rebounds at 2 assists at reigning MVP Jack Danielle Animam, Ria Nabalan at Jeanne Camelo na nagsipagtala ng tig-12 puntos para sa Lady Bulldogs.
Sa isa pang laro, muling dinurog ng University of Santo Tomas Growling Tigresses ang University of the Philippines Lady Maroons,103-58.
Nakumpleto ng Tigresses ang pagwawalis sa Lady Maroons ngayong season matapos ang 129-42, panalo nila noong Setyembre 22.
Ito rin ang ikatlong sunod na panalo ng UST na nagtaas sa kanila sa markang 6-3 para makatabla sa FEU Lady Tamaraws sa ikalawang puwesto.
Pinangunahan ng graduating na si Sai Larosa ang panalo ng UST sa ipinoste niyang career-high 35 puntos bukod pa sa 14 rebounds at 4 na assists.
Sa panig ng UP, nalasap nito ang kanilang ika-27 sunod na pagkatalo at ika-9 na sunod ngayong season.
-Marivic Awitan