MAY puso at utak pa rin ang hudikatura. Tumitibok pa ang puso nito at gumagana ang utak. Hindi pa ito naghihingalo sa harap ng mga hamon ng kasalukuyang rehimen. Pinatunayan ito ng desisyon ni Judge Andres Bartolome Soriano ng Branch 148 ng Makati Regional Trial Court noong Lunes, nang ibasura ang kahilingan ng Department of Justice (DoJ) na buhayin ang kasong kudeta laban kay Sen. Antonio Trillanes IV, ipaaresto siya at isyuhan ng hold departure order.
Matindi ang implikasyon ng kapasiyahan ni Judge Soriano sapagkat binalewala nito ang posibleng pressure ng administrasyon na buhaying muli ang coup d’etat case ng senador. Ang kasong kudeta ay matagal nang pinawalang-saysay ng hukuman. Ayaw na itong buhayin ng hukom.
Nanganganib daw na maharap si Soriano sa posibilidad na halukayin ang kanyang mga rekord bilang hukom, suriin ang kanyang SALN, kung siya’y nagbabayad ng tamang buwis sa BIR o tumatanggap ng suhol mula sa mga kliyente. Mahirap daw na kalaban ang powers-that-be.
Kung may mga hukom o mahistrado lang umano sa bansa na ang mga desisyon ay pinag-aralan at ibinatay sa batas, hindi takot sa Malacañang, harassment at iba pang pressures, tiyak na buhay pa ang hudikatura bilang isang malayang sangay ng pamahalaan.
Marami kasing hukom ngayon ang nagsiyaman dahil umano sa mga tiwaling desisyon, kumita sa mga TRO, takot sa Palasyo na baka ibunyag o ibilad sila sa publiko. Hindi ba noon ay inilarawan ni ex-Pres. Estrada ang mga hukom (hindi lahat) bilang “hoodlums in robes”?
Dalawang ahensiya ng gobyerno ang nagkokontrahan tungkol sa pagkakapuslit ng P6.8 bilyong halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BoC). Naninindigan si PDEA director general Aaron Aquino na ang apat na magnetic lifters na natagpuang walang laman sa isang bodega sa Cavite, ay shabu ang laman. Iginigiit naman ni BoC Commissioner Isidro Lapeña na hindi shabu ang laman ng apat magnetic lifters.
Para kay PRRD, haka-haka lang umano ni Aquino na shabu ang laman ng mga lifter. Eh bakit inupuan ito ng mga K-9 dogs na eksperto sa pag-amoy at pag-detect ng shabu? Sabi nga ng kaibigan ko: “Sa ilang sachet ng shabu, pinapatay agad ang mga pusher at user sa buy-bust operations, pero bakit itong tone-toneladang shabu
mula sa BoC ay haka-haka lang daw. Aba, anong hiwaga mayroon ang apat na magnetic lifters at nasaan na ngayon ang nagpuslit ng mga ito?” Nagtatanong lang daw.
-Bert de Guzman