“HINDI na matatapos. Lahat ng kaligayahan ngayon, para sayo. Mahal kita.” Ito ang caption ng litratong ipinost ni Angelica Panganiban na nakakandong siya kay Carlo Aquino, sa kanyang IG account nitong Martes pagkatapos ng thanksgiving party/presscon ng Exes Baggage.
Kaya natanong ni MJ Felipe si Carlo tungkol dito sa ginanap na Matteo X Carlo Concert press launch nila ni Matteo Guidicelli nitong Martes ng gabi, sa R20 Events Place.
“Hindi kami, well, ako rin naman, mahal ko rin naman siya (Angelica) source of (my) inspiration, ‘di ba? ‘Yun lang din naman ang wini-wish namin sa isa’t isa na hindi matapos ang saya,”pahayag ng aktor.
Sinundot namin ang tanong ni MJ kay Carlo, nabanggit kasi ng aktor noon na huwag muna siyang tanungin kung ano ang plano niya kay Angelica dahil palabas pa ang Exes Baggage. At ngayon na kumita na ang pelikula, ano na ang susunod na kabanata sa kanila ng aktres?
“Hanggang ngayon naman, nagkikita pa rin kami at hindi natatapos ang communication namin after ng pelikula, pumupunta ako sa kanya, sinusundo ko siya kapag may kailangan kaming puntahan,” seryosong sagot ng binata.
Sa madaling salita, may mutual understanding na sila ni Angelica dahil sinusundo niya ang dalaga at iba pa.
“Hindi namin napag-uusapan actually,” kaswal na sagot ni Carlo.
Sa tingin naman ng nakararami, posibleng nagkakahiyaan pang magtanong sa isa’t isa sina Carlo at Angelica kung gagawin na nilang opisyal ang maganda nilang samahan. May nagsabi namang ini-enjoy muna nila ang relasyon nilang walang label.
At for the record, tumabo na ng P355.5M na ang pelikulang Exes Baggage worldwide.
Hindi naman nasagot ni Carlo kung ano ang theme song niya kay Angelica, “isipin ko muna”, sagot niya.
Samantala, binanggit ni Carlo na malaki ang naitulong ni Angelica sa muling pagningning ng karera niya ngayon. Hindi naman kaila sa lahat na nawala siya sa sirkulasyon at muli siyang nasilayan sa seryeng The Better Half noong 2017, kasama sina Denise Laurel, JC de Vera at Shaina Magdayao.
“’Yun kasi ang maganda sa pagkakataon, hanggang nabubuhay ka hindi naman nawawala ‘yun (chance) at nasa sa’yo na lang kung i-interrupt o hindi. Eh, willing naman akong i-grab ang mga pagkakataong iyon na ibinigay sa akin ng ABS-CBN, ng Black Sheep (producer ng Exes Baggage), kaya winelcome ko ‘yung chance.
“May dapat akong pasalamatan, siyempre, pasasalamatan ko si Angge, pasasalamatan ko rin ang Spring Films (producer ng Meet Me in St. Gallen), ang dami kong pasasalamatan. Hindi ako matatapos dahil para makabalik dito (showbiz) at nagsasalita ngayon sa harap n’yo at may concert pa, hindi lang si Angge, pero isa siya sa malaking bagay kung bakit nandito ako ngayon at hindi ko isinasantabi ‘yun,”mahabang sabi ni Carlo.
Going back to the concert nina Matteo at Carlo na gaganapin sa Music Museum sa Nobyembre 17 produced ng Hills & Dreams and OnQ, ito ang first time na magsasama sa show ang dalawang aktor-singer.
Pop-rock ang genre na gusto ng dalawa kaya hindi naman nahirapan ang producers na pagsamahin sila sa iisang show.
“Almost the same kind of music kami,” say ni Carlo, “nagre-reggae ako, siya (Matteo) rin naman nagre-reggae din.”
“A lot of pop-rock and few love ballad songs that will be included in the repertoire,” saad ni Matteo.
“Mga piling 90’s songs din,” sabi rin ni Carlo.
Natanong din si Carlo kung isa sa special guest si Angelica sa Matteo X Carlo concert.
“Hindi ko alam kung makakapunta sila. Sila?” natawang sagot ni Carlo. Pero siguradong iimbitahan daw ng aktor ang kanyang Exes Baggage leading lady.
Ang Matteo x Carlo concert ay ididirek ni Frank Lloyd Mamaril at si Marvin Querido naman ang magiging musical director nito. Ang mga sponsor ng naturang show ay ang BoardWalk, BeauteDerm Corporation, Circulan, Chef & Brewer Café and Restaurant, Fernandos Bakery, FLM Creative and Production Inc, Gingerbon Lungcaire Plus, Nature Spring, One Stop Soap, R20 Events Place, The Platinum Karaoke Uratex Foam at Vitasoy.
-Reggee Bonoan