PINAHALAGAHAN ng phenomenal love team nina Alden Richards at Maine Mendoza ang ADN (AlDub Nation) Homecoming na ginanap nitong Linggo sa sa SMX Convention Center sa MOA. Maaga pa ay puno na ang venue kaya nagkaroon muna ng programs. Naging guest nina Maine at Alden ang Music Hero ng Eat Bulaga, na kumanta ng mga awiting malapit sa puso ng loveteam.
May mga booth sa event. Naroon din ang libreng dairy ng Magnolia Ice Cream na ini-endorse nina Alden at Maine. Pero ang pinakapinilahan daw na food stall, ay ‘yung Concha’s Quezon City ni Alden. May booth din sila ng ADN Scholarship, kung saan puwedeng mag-donate ang fans bilang suporta sa abokasiya ng kanilang idolo.
Naunang dumating si Alden sa venue, at habang hinihintay nilang dumating si Maine ay sumali muna siya sa mga larong inihanda para sa fans.
Lubos naman ang kasiyahan ng AlDub Nation pagkarating ni Maine. Mahalaga kasi sa kanila ang month of October, kaya time talagang sinulit nila ang celebration.
Unang-una, October 24, 2015 naganap ang unang personal na pagkikita nina Alden at Maine matapos ang halos tatlong buwang pagkikita lamang sa split-screen ng Eat Bulaga. Tinawag na “Tamang Panahon” ang okasyong ito at napuno ng naghihiyawang fans, na mahigit 60,000 katao, ang Philippine Arena sa Bulacan. Noong araw ding iyon naitala ang Guiness World Record, dahil sa mahigit 41 million tweets in one day, mula 12:01 am hanggang 11:59 pm ng October 24.
October 22, 2016 naman naganap ang church wedding nina Alden at Yaya Dub sa Christ the King Church. Bago natapos ang kalyeserye, ay nagkaroon ng kambal na anak sina Alden at Yaya Dub.
“Maraming salamat sa inyong lahat na sa loob ng tatlong taon, nariyan pa rin kayo, hindi ninyo kami iniwanan,” sabi ni Maine.
“Maraming salamat na itinuloy ninyo ang ADN Scholarship program para sa aming pangalan ni Maine, at ngayon may 100 scholars na kanyang natutulungan,” sabi ni Alden.
Nagpasalamat din ang dalawa na kahit kanya-kanya muna sila dahil sa iba’t ibang projects ngayon, naroon pa rin ang suporta ng madla sa kanila.
“Sa ngayon po ay ang dami nang nangyayari kay ‘Victor Magtanggol’ at pahirap na nang pahirap ang ginagawa ko lalo na kapag si Hammerman ako. Pero para po sa inyo lahat iyon, lalo na sa mga batang nanonood ng fantaserye namin gabi-gabi. Salamat sa inyong lahat.”
Daddy’s Gurl naman ang sitcom ni Maine kasama si Vic Sotto. Tawanan ang lahat nang magsalita si Maine na tonong Batangueña: “Ala eh, ang dami-dami kong tinanong kung paano ako magsasalita bilang isang Batangueña. Marami pong salamat na sinusubaybayan ninyo kami tuwing Saturday evening sa GMA 7.”
Pero ang pinakahihintay ng AND ay iyong muli silang magtambal sa isang teleserye o sa isang pelikula. Maaari iyong magkaroon ng katuparan sa susunod na taon dahil magiging libre na sila sa mga TV shows nila. Natapos ang event sa isang selfie nina Alden at Maine kasama ang lahat ng miyembro ng AlDub Nation.
-NORA V. CALDERON