Pansamantalang binawi kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa mga klasipikasyon ng bigas, upang maiwasang malugi ang ilang rice retailers sa bansa.
Inihayag nitong Lunes ng dalawang kagawaran ang agarang pagpapatupad ng SRP sa bigas.
Ang pagpigil sa nasabing implementasyon ay bunsod ng mga hinaing ng ilang rice retailers na nasabing hindi nila kakayaning ibenta sa SRP ang kanilang imbak na bigas, na nabili nila sa mataas na halaga, at malinaw na malulugi sila.
Gayunman, ang napurnadang SRP para sa imported broken rice ay nasa P40 pababa per kilo, ang local broken rice ay pinresyuhan ng P37, ang well milled rice ay P44 kada kilo, habang walang inilabas na SRP para sa special rice.
Ang inilabas na SRP sa klasipikasyon ng mga bigas ay nagdulot ng kalituhan sa maraming retailers.
Samantala, nananatiling matatag ang supply ng bigas sa mga pamilihan dahil sa katatapos na anihan ng palay sa iba’t ibang dako ng Central Luzon.
-Bella Gamotea