Hindi pa nagwawakas ang problemang legal ni Senator Antonio Trillanes IV.

Inihayag kahapon ng Malacañang na isang “pyrrhic victory” lang para sa senador ang pagbasura ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 148 nitong Lunes sa mosyon para arestuhin si Trillanes sa kasong kudeta.

Kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na plano ni Solicitor General Jose Calida na iapela ang kaso ni Trillanes sa Court of Appeals (CA) upang baligtarin ang nasabing desisyon ni Judge Andres Soriano.

“I’ve talked with SolGen and he said he will not file a motion for reconsideration but go immediately to the Court of Appeals and appeal to the ruling of the court with respect to the issuance of the warrant of arrest,” sinabi ni Panelo sa Palace press briefing.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“There are procedural matters decided by the court which to my mind are erroneous how he looks at evidence despite the fact that they are only secondary evidence so there are questions that can be properly raised in the Court of Appeals and subsequently in the Supreme Court,” dagdag pa ni Panelo.

Sa desisyon ni Soriano nitong Lunes, ibinasura nito ang mosyon ng Department of Justice (DoJ) para maglabas ng arrest warrant at hold departure order (HDO) ang korte laban kay Trillanes kaugnay ng kaso nitong kudeta, na idinismis na ng kaparehong korte pitong taon na ang nakalipas.

Gayunman, pinagtibay ng hukom ang Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumabawi sa amnestiyang ibinigay sa senador dahil sa paglulunsad ng dalawang kudeta.

Kaagad namang nagpasalamat si Trillanes sa naging desisyon ni Soriano, gayunman, sinabi ni Panelo na masyado pang maaga para magdiwang ang senador, at iginiit na mas mahalaga ang pagpapatibay ng korte sa proklamasyon ng Pangulo.

“It’s more a pyrrhic victory because if you noticed the court decided that the proclamation issued by the President is valid. They are claiming at the time the President does not have to power to void any amnesty. The court says he has,” ani Panelo.

Samantala, sinimulan na ng DoJ ang paglalatag ng mga legal na hakbangin para iapela ang pagbasura ng korte sa mosyon ng kagawaran.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pinag-aaralan na nila ang lahat ng legal na opsiyon para maipatupad ang Proclamation No. 572 ng Pangulo.

Una nang sinabi ni Guevarra na maaaring kuwestiyunin ng DoJ ang appreciation ni Soriano sa mga ebidensiyang isinumite ng kagawaran at ng kampo ni Trillanes.

Pareho lang naman, aniya, ang ebidensiyang isinumite nila sa sala ni Soriano sa kasong kudeta, at sa RTC Branch 150 ni Judge Elmo Alameda sa kasong rebelyon, pero magkaiba ang appreciation ng dalawang hukom.

Matatandaang nagpalabas ng arrest warrant si Alameda laban sa senador, na kaagad na nagpiyansa ng P200,000 para sa kasong rebelyon.

-GENALYN D. KABILING at BETH CAMIA2