NAGPAPAHINGA na ako sa bahay mula sa halos magdamagan na coverage ng pagsabog sa Glorieta-2 shopping complex noong katanghaliang tapat ng Oktubre 19, 2007, ay ‘di pa rin makatkat sa aking isipan ang “initial findings” ng mga nakahalubilo kong imbestigador sa posibleng naging sanhi ng pagsabog, na kumitil sa buhay ng 11 katao at ikinasugat naman ng mahigit 120 “mall shopper” na karamihan ay mga teenager.
Kinabukasan, labis akong nabigla sa naging anggulo ng lahat na yatang media dahil ang banner story o mga headline news ay nagsasabing “bombang kagaya o gawa ng mga terorista” ang sumabog sa basement ng Glorietta-2 sa Makati.
Sabagay, hindi na rin ako masyadong nagtaka noon dahil maging sa aming opisina, nang tawagan ko ang isa sa aming mga boss sa news department ay matamlay ang naging reaksyon niya sa impormasyong agad kong ibinato sa kanya: “Dyahe naman ‘yan, tatsi lang ang dahilan!”
Ang anggulong “bomba ng terorista” ay ibang-iba sa usap-usapan at pagbibiruan ng nakasama kong mga imbestigador na banyaga, pulis at militar sa loob ng Glorietta-2 , na ako lang ang pinalad na unang mamamahayag na nakapasok at nakakuha pa ng mga larawan.
Sa ganitong sitwasyon kasi ay nakasanayan ko lang na makinig sa kuwentuhan, palitan ng kuru-kuro at pati biruan ng mga imbestigador, na hindi nagte-take down notes ng aking mga narinig. Kapag kasi nakita nilang nagsusulat ako, titigil sila sa pagkukuwento at biruan -- purnada ang pasimpleng pangangalap ko ng impormasyon.
Ang lahat ng nasagap kong impormasyon, totoo man o hindi, ay iniimbak ko muna sa aking kokote at kapag ‘di ko na kayang isaulo, saglit akong lalayo – saka ko patagong isusulat na parang kodigo, bago muling babalik sa usapan.
Ilan lamang ito sa mga natatandaan kong nangyari: Nang bumaba sa basement ang isang Australian intel operative, na sa pagkakaalam ko ay bomb expert din, ito ang pasigaw niyang sinabi: “My God, it smells like shit in there!”
‘Yung member ng Mossad, ang hinahangaan kong organisasyon ng magagaling na “intelligence agent” mula sa Israel ay ganito naman ang sinabi: “A powerful rocket fueled by shit just took off the place!”
Mayroon namang isang banyaga rin na hindi ko malaman kung anong nationality ang tumatakbo palabas ng basement kung saan naganap ang pagsabog, at agad nitong hinubad ang suot niyang polo shirt, kasabay ng pagsasabing: “I smell like shit!”
Isang seryosong imbestigador ang narinig kong nagsabi na kaya mabaho sa loob ay dahil nagkabitak-bitak ang septic system o mas kilala sa atin na “poso negro”, na nakalagay o nakatayo sa loob ng naturang basement na nagseserbisyo sa buong commercial complex, dahil sa malakas na pagsabog sa lugar.
Sa puntong ito – nagsisimula nang gumana ang aking imahinasyon at nag-one plus one na rin ang utak kong nahasa sa numero bilang isang engineering student, kaya alam ko na ang sinasabi nilang mabahong amoy ay galing sa chemical na methane gas na “by product” ng mga nabubulok na bagay gaya ng tatsi na nakaimbak sa “poso negro” na nasa basement ng Glorietta-2.
Ang methane gas ay highly combustible, ito ang laman ng ginagamit nating liquefied petroleum gas (LPG) sa kusina, at kapag napabayaan itong sumingaw ay sumasabog.
Patuloy akong nagmumuni-muni nang lumabas ang kaibigan kong bomb expert na Pinoy na taga-US embassy at pabirong sinabi ang ganito: “May suspek na ako, siguradong pakana ito ni Malabanan!”
Sa dalawang anggulong ito na lumabas pagkaraan ng mahabang imbestigasyon – lumitaw na tatsi nga ang dahilan, ang pagsingaw ng naipong methane gas sa buong basement, na na-ignite nang mag-automatic on ang motor na nasa ibabaw ng “poso negro” ng Glorietta-2 Shopping Complex.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.