MALAGIM ang sinapit ng siyam na manggagawa sa tubuhan, kabilang ang mga menor de edad, nang sila’y pagbabarilin ng aabot sa 40 armadong kalalakihan sa isang plantasyon sa Sagay City, Negros Occidental nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa balita, ang mga biktima ng massacre na mga miyembro ng National Federation of Sugarcane Workers (NFSW) ay kinilalang sina Eglicergio Villegas, 36, Angelife Arsenal, isang alyas Peter, Dodong Laurencio, Morena Mendoza, Necnec Dumaguit, Bing Bing Bantigue at Joemarie Ughayon, at Marchtel Sumicad, kapwa 17 anyos.
Kaawa-awa ang mga biktima ng masaker na pawang mahihirap at nagtatrabaho sa tubuhan o sugarcane plantation para may maipakain sa pamilya. Sa inisyal na imbestigasyon, pumasok at inokupahan ng NSFW members ang farm na ari ng isang Carmen Tolentino sa Hacienda Nene, Purok Firetree, Barangay Bulanon noong umaga ng sabado, isang araw matapos anihin ng may-ari ang mga tubo.
Ayon sa ulat, namamahinga ang mga biktima sa makeshift tents nang pagbabarilin sila ng mga armadong lalaki dakong 9:00 ng gabi. Batay sa report ni Sagay City Police chief Inspector Robert Mansueto, may 11 tao asa loob ng tent nang sila’y paulanan ng bala.
oOo
Nasa pinakamasamang situwasyon at madilim na panahon ang Bureau of Customs (BoC) sa ilalim ng pamumuno ni Isidro Lapeña. Ito ang pahayag ni lawyer Ma. Lourdes Mangaoang, deputy collector for passenger service sa Ninoy Aquino International Airport. Si Mangaoang ay may 30 taon nang nagtatrabaho sa ahensiya.
Kung paniniwalaan ang deputy collector, si Lapeña umano ang “the most incompetent commissioner” na kanyang napagsilbihan. Saad ni Mangaoang: “He is the worst commissioner because of many incidents of big-time smuggling in our ports.” Sa panahon ni Lapeña, nakalusot ang apat na magnetic filters na may lamang mga shabu na nagtagpuang wala nang laman sa isang bodega sa Cavite.
Iginiit ni PDEA director general Aaron Aquino na shabu ang laman ng apat na magnetic filters, pero iginiit naman ni Lapeña na walang lamang shabu ang mga lifter. Maging si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay nagsabing haka-haka lang ni Aquino ang sinabi nitong may lamang shabu ang lifter, pero pinanindigan ito ni Aquino dahil inuupan ng mga aso ang mga container na nagpapatunay na shabu nga ang laman ng natagpuang magnetic lifters.
oOo
Kung nagkagulo ang mga Pinoy sa pagtaya sa ultra lotto ng PCSO na nagkahalaga ng mahigit sa P1 bilyong piso kamakailan, nagkakagulo rin ngayon sa United States dahil umabot na sa $1.6 bilyon ang premyo ng US lottery jackpot. Sino kaya ang tatama sa mega millions lottery na nakatakdang bolahin sa Biyernes?
-Bert de Guzman