HANDANG magbigay ng legal assistance ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga pamilya ng siyam na sakadang napatay sa loob ng Hacienda Nene sa Barangay Bulanon, Sagay City, nitong Sabado ng gabi.
Inihayag ito noong Lunes ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones sa press conference, dahil lubha niyang kinokondena ang pagpaslang sa mga miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), kabilang ang tatlong babae at dalawang menor de edad.
Siniguro ni Castriciones na gagawin ng DAR ang lahat ng makakaya nito upang bigyan ng hustisya ang mga biktima.
Aniya, gumagawa ng paraan ang DAR upang makatulong tungo sa ikabubunyag ng katotohanan sa likod ng massacre. “We’d like to get to the bottom of this,” aniya.
Ayon sa mga news reports ilang ‘di kilalang armadong lalaki ang may kagagawan ng krimen.
Inihayag naman ni Chief Supt. John Bulalacao, Police Regional Office (PRO)-Western Visayas director, na ang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Negros Island ang suspek sa mga pamamaslang.
Ayon kay Castriciones, ang hacienda umano ang sentro ng away sa lupa sa pagitan ng mga may-ari ng lupa at ng mga sakada sa lugar.
Klinaro ni Castriciones, gayunman, na hindi isinusulong ng DAR ang karahasan upang resolbahin ang mga away sa lupa.
Lagi umanong isinusulong DAR ang mapayapang resolusyon ng mga away sa lupa sa pagitan ng mga may-ari nito at mga magsasaka.
Aniya pa, itinataguyod din ng DAR ang mga dayalogo at mediation meeting upang mapayapang mapag-usapan ang mga gusot.
Nakapag-aalinlangan pa rin ang mga detalye ng massacre, ayon naman kay DAR Undersecretary David Erro.
“As of now, there’s still nothing specific,” sabi niya.
Samantala, inihayag naman ni Castriciones na ipagpapatuloy ng DAR ang pagbibigay ng lupain sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Magbibigay din ang DAR ang training, farm inputs at iba pang uri ng suporta para sa ARBs upang kalaunan ay matulungan silang makaahon sa kahirapan.
Sa pinakabagong datos na ipinakita ng DAR, nakapamahagi na ito ng tinatayang 4.8 milyong ektarya ng lupa sa may 2.8 milyong ARBs sa buong bansa simula 1972 hanggang Hunyo 2018.
-PNA