SINIMULAN na ang pagsesemento ng Mina-Jelicuon- Amiroy Road sa Mina, Iloilo matapos ang groundbreaking ng proyekto nitong Sabado.

Nasa mahigit P63.8 milyon ang inilaan para sa pagsesemento ng kalsada, sa pamamagitan ng Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP) ng Department of Interior and Local Government.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mina Mayor Rey Grabato ang kahalagahan ng proyekto na magpapaginhawa sa transportasyon ng mga tao at sa pagluluwas ng kanilang mga produkto.

“We hope that the project will be completed on-time,” pahayag ni Grabato, idinagdag na ang pagkumpleto sa proyekto ay magbibigay ng kaginhawahan sa publiko.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Mga Bible verse na puwedeng maging kalakasan sa araw-araw

May habang 3.78 kilometro ang Mina-Jelicuon Amiroy Road, na isinasaayos ng Supreme ABF Construction and Construction Supply, Inc.

Kabilang sa rehabilitasyon ang pagsasaayos ng kalsada tulad ng earthworks, sub-base at base course, concrete pavement, drainage, at slope protection structures, at mga road signs.

Inaasahan namang matatapos ang proyekto sa Abril ng susunod na taon.

Gayunman, sinabi ni Defensor na ipatutupad ang Phase 2 ng proyekto sa susunod na taon upang tapusin ang pagsasaayos sa mga kalsada sa kalapit nitong barangay ng Cabugao sa New Lucena, Iloilo.

Aniya, nasa P21.5 milyon ang inilaan na pondo para sa proyekto.

Iginiit ni Defensor ang kagustuhan niyang maipaayos ang lahat ng mga kalsada sa buong probinsiya bago siya bumaba ng puwesto sa susunod na taon.

Nakuha ng lalawigan ng Iloilo ang CMGP program dahil sa pagiging “consistent awardee” nito sa Seal of Local Good Governance ng Department of Interior and Local Government.

Kamakailan lamang ay muling nakuha ang Iloilo ang naturang prestihiyosong selyo para sa ikaapat na sunod na taon.

-PNA