KAMAKAILAN ay dumalo ang batikan at multi-awarded scriptwriter na si Ricky Lee sa book launch ng Mga Batang Poz ni Segundo Matias, Jr. o mas kilala bilang Jun Matias, sa mismong building ng awtor sa Quezon City.

Ricky copy

Si Jun Matias ang may-ari ng Lampara Books Publishing ng sikat na Precious Hearts Romance pocketbook novels, at iba pang mga libro na may iba’t ibang tema, pati na pambata. Very proud si Ricky kay Jun dahil isa ito sa early participants sa kanyang Ricky Lee Scriptwriting Workshop na nagsimula noong 1982 (na ever since ay “free of charge”).

“Siyempre, masayang-masaya at proud na proud ako, dahil work shopper ko si Jun Matias noon pang mid-1980s,” pagbabalik-tanaw ni Maestro Lee, ang sinasabing most awarded scriptwriter of Philippine Cinema.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Naalala ko, mga teenager pa sila noon nina Richard Reynante, Linda Casimiro, Ben Pascual, hanggang nagsulat sila sa isang TV show, ‘yung ‘Pub House’ nina Chanda Romero.

“Masaya ako na mula sa pagiging teen-ager nila noon na sabik na sabik makapagsulat, eh eto ngayon siya – may sarili nang empire, may sariling publishing house.

“Ang dami-dami na niyang nasulat, siya mismo. Ang dami-dami niyang natulungang ibang mga writers, mga datihan at baguhan, para matulungang ma-publish ang kanilang mga libro.

“Higit sa lahat, marami siyang natulungang mambabasang Pilipino, mas dumami pa. Lagi nilang sinasabi na hindi naman nagbabasa ang Pilipino? Hindi!

“Kapag makita mo ang mga fans ng mga libro nina Jun, ‘pag dumumog, libo! Then, mari-realize mong nagbabasa ang mga Pilipino. Si Jun Matias, nakatulong nang malaki upang lumawak pa ‘yun. I’m very proud of him, and I’m sure, I will still be very proud of him, dahil mukhang ang dami pa niyang balak isulat, i-publish, at matulungang writers.”

Ayon kay Ricky, naniniwala siyang very timely ang tema ng Mga Batang Poz (short for “positive” sa sakit na HIV, na kapag lumala ay nagiging AIDS). “Ang tema ng librong ito ay very timely, dahil ngayon, malungkot mang isipin, pero totoo na mas lumalaganap na sa atin dito sa Pilipinas ang HIV, lalung-lalo na sa kabataan. “Pero I think, mahalaga itong basahin hindi lamang ng mga kabataan, kundi nating lahat – babae, lalaki, matanda, bata. Kasi, ‘pag nalaman nating lahat ang tungkol dito, malaking hakbang na ‘yun upang makatulong tayong maiwasan o mabawasan (ang paglaganap). So, ‘yung pagkamulat ay malaking bagay. ‘Yan ang nagagawa ng mga librong gaya nito.”

Dagdag pa ng award-winning writer: “Seryoso ang usapin ng HIV. Kahit sino ay puwedeng maapektuhan nito, kapatid natin, kapitbahay, kahit na sino. It’s a very urgent issue na dapat nating harapin ngayon. Hindi bukas. Even though masakit sa dibdib na basahin ang libro, kasi, ‘yung katotohanan niya ay tumitibo, sumasaksak sa loob mo, eh enjoy pa rin siyang basahin, kasi, buhay na buhay ‘yung mga characters. Apektadong-apektado ka sa kanila,” aniya.

Karamihan sa mga naging “produkto” ng kanyang scriptwriting workshop ay napunta sa pelikula, TV, o teatro ang writing careers, bihira sa mga aklat. “Sa libu-libong naging workshoppers ko mula pa noong 1982 hanggang ngayon, karamihan sa kanila, pumapasok sa pelikula, pero actually, mas marami sa TV. Siguro, sa lahat ng istasyon ng TV ngayon, karamihan ng writers, galing sa workshops ko. Konting-konti lang ‘yung tumuloy sa pagsusulat ng libro. “Isa doon sa kakaunting ‘yun si Jun Matias. “Pareho naman silang nagmumulat, nagbibigay ng katotohanan, nakakaaliw kung minsan. Pero mahirap mag-libro. Mahirap magsulat ng libro. Kaya hanga ako kay Jun,” lahad ni Ricky.

Ang librong Mga Batang Poz ay mabibili sa National Bookstore, Precious Pages retail outlets, at iba pang mga bookstore.

-Ador V. Saluta