PINATUNAYAN ni Filipino lightweight Rey Perez na hindi tsamba ang pagwawagi niya kay Golden Boy Promotions prospect Christian Gonzalez nang mapatigil niya ito sa 7th round ng kanilang rematch nitong Oktubre 18 sa Fantasy Springs Casino, Indio, California sa United States.
Unang naglaban sina Perez at Gonzalez noong Pebrero 22, 2018 sa parehong lugar kung saan naputukan ng kaliwang kilay ang Mexican American para magwagi sa puntos ang Pinoy boxer sa loob ng walong rounds.
Ngunit sa kanilang rematch, tiniyak ni Perez na hindi na makapagrereklamo si Gonzalez na pinabagsak niya sa 7thround bago itinigil ng beteranong Amerikanong referee na si Lou Moret ang sagupaan eksaktong 2:15 sa nasabing yugto ng laban.
“In a rematch of an earlier fight this year, lightweight Rey Perez beat Christian Gonzalez even more definitively the second time around, earning a stoppage at 2:15 of round seven in a scheduled eight round bout when Gonzalez’s corner threw in the towel as their fighter was on the verge of getting knocked out,” ayon sa ulat ng Fightnews.com.
Napaganda ni Perez ang kanyang karta sa 24 panalo, 10 talo na may 8 pagwawagi sa knockouts at may nakatakda na naman siyang laban sa Disyembre 8, 2018 sa Industry Hills Expo Center sa La Puente, California sa hindi pa kinilalang world rated boxer.
Bumagsak naman ang rekord ni Gonzalez sa 19 panalo, 3 talo na may 15 pagwawagi sa knockouts at pawang ang talo niya ay sa mga Pinoy boxer na sina Romeo Duno at Perez.
-Gilbert Espeña