Handang-handa na ang Department of Transportation (DOTr) at mga attached agencies nito sa pagpapatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2018”, na bahagi ng paghahanda ng kagawaran para sa paggunita sa Undas sa bansa sa Nobyembre 1 at 2.

Alinsunod sa memorandum na nilagdaan at inilabas ni Assistant Secretary for Special Concerns Manuel Gonzales, ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2018 ay sisimulang ipatupad ng DOTr sa Oktubre 27 at tatagal hanggang Nobyembre 5.

Kaugnay nito, inatasan na ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang lahat ng sectoral offices at attached agencies nito na itaas ang alerto upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawahan ng mga driver at mga pasahero na uuwi sa mga lalawigan.

“Sa mga panahong ganito, malaking bagay na maaga ang paghahanda at maayos ang komunikasyon at koordinasyon. Our paramount priority is the safety and comfort of our passengers,” ani Tugade.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inatasan na rin ni Tugade ang mga frontline agency ng DOTr na magpatupad ng 24/7 operations sa mga nasabing araw, at tiyaking ang lahat ng passenger booths at counters ay bukas at may nagbabantay sa buong panahon ng operating hours.

Inaasahan namang sa mga susunod na araw ay magpapalabas ang DOTr ng public advisories, gaya ng safety tips, mga pangkaraniwang uri ng mga paglabag sa mga expressways, at maging safety at security regulations sa mga paliparan, daungan at iba pang transportation hubs.

Magpapakalat din umano ang DOTr ng mga tarpaulin na may emergency at hotline numbers para sa panahon ng emergency.

-Mary Ann Santiago