HABANG nalalapit ang Pasko at maraming kalsada at mga tulay ang isinasara para sa pagkukumpuni o pagpapaganda, matagal na nating inihanda ang ating sarili sa matinding trapiko na mararanasan sa Metro Manila sa mga susunod na linggo.
Ngunit may nababanaagang pag-asa sa pagpupursige ng Senado na maisabatas ang “Proof of Parking Space Act”, ang Senate Bill No. 201, na kasalukuyang nasa Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship. Kamakailan ay nagsagawa ng pagdinig ang komite hinggil sa panukalang batas, na inihain ni Senador William Gatchalian, na naniniwalang makatutulong ito sa pagpapahupa sa nararanasang trapiko sa bansa.
Alinsunod sa panukala, oobligahin ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng sasakyan na magprisinta ng affidavit na magpapatunay na may garahe ang sasakyan nito, na kukumpirmahin ng LTO bago bigyan ng katunayan sa pagpaparehistro.
Sinabi ng senador na layunin ng panukala na maikintal ang kultura ng responsableng pagmamay-ari ng sasakyan. “If you buy a car,” aniya, “you have to make sure that you have a parking space for your own vehicle.” Isa itong malinaw at pangunahing prinsipyo, ngunit ang malawakang paglabag dito ay isa sa mga pangunahing nagdudulot ng trapiko sa Metro Manila sa kasalukuyan.
Sa anumang araw, matatagpuan ang mahabang hilera ng mga sasakyang nakaparada sa harap ng bahay o inuupahang apartment na walang garahe o espasyo para sa sasakyan sa mas makikipot na kalsadang dinadaanan ng mga motoristang umiiwas sa trapiko sa mga pangunahing kalsada, tulad ng Epifanio delos Santos Avenue.
Ayon sa Land Transportation Office, may kabuuang 10,410,814 na sasakyan ang inirehistro mula 2015 hanggang 2017. Nasa mahigit 1,000 sasakyan ang ipinarerehistro araw-araw, at 600 dito ang bagong bili. Ito man ay dumadaan sa mga pangunahing kalsada o ipinaparada sa mga gilid ng daan, nakadaragdag ito sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
Maraming ibang salik ang sinisisi sa problema, kasama na ang mga solusyong iminumungkahi ng ilang eksperto na hinati sa tatlong pangunahing grupo. ‘Enforcement’—ang maayos na pagtupad sa trabaho ng mga tagapangasiwa ng trapiko at mga traffic officers. ‘Education’—mga motorista na nakakaalam ng mga panuto at sumusunod dito. At ang ‘Engineering’—sapat na mga kalsada at overpass para sa malaking bilang ng mga sasakyan gumagamit sa mga ito.
Ang pag-uutos na magkaroon ang bawat ng may-ari ng sasakyan na magkaroon ng sariling lugar nito na pagpaparadahan ay maliit lang na bahagi ng solusyon sa engineering. Magiging bahagi rin ito ng mas malawak na bahagi ng edukasyon, o sa mga salita ni Senador Gatchalian—pagpapaunlad ng isang kultura ng responsableng pagmamay-ari ng sasakyan.