Nanganganib na madiskaril ang re-election bid ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa susunod na taon matapos siyang sampahan kahapon ng isang abogado ng petition for disqualification.
Nagtungo kahapon ng umaga sa Commission on Elections (Comelec) main office sa Intramuros, Maynila si Atty. Ferdinand Topacio, at hiniling na madiskuwalipika ang senador sa nalalapit na halalan.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Topacio na walang karapatang kumandidato si Pimentel dahil nakakadalawang termino na ito sa Senado.
Ang unang termino ni Pimentel, ayon kay Topacio, ay napagsilbihan nito matapos noong 2011 nang paboran ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang poll protest nito laban kay Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri, at ideklarang nanalo bilang pang-12 senador noong 2007 elections.
Matatandaang nagbitiw noon sa puwesto si Zubiri matapos lumutang ang mga testigo na nagkaroon nga ng dayaan sa Maguindanao na pumabor sa kanya, ngunit nanindigang wala siyang kinalaman sa nasabing dayaan.
Naupo sa puwesto si Pimentel, ngunit dalawang taon lang siyang nanungkulan.
Taong 2013 nang muling nahalal si Pimentel bilang senador si Pimentel.
Binigyang-diin ni Topacio na kung papayagan ang senador na tumakbo sa susunod na taon ay magiging pangatlong termino na ito ni Pimentel, na malinaw aniyang paglabag sa batas.
Kumpiyansa naman si Pimentel na papayagan siya ng Comelec na kumandidato kahit pa may disqualification case na inihain laban sa kanya.
Iginiit din ni Pimentel na handa siyang sagutin ang reklamo ni Topacio laban sa kanya.
Una nang nanindigan ang dating Senate Presidente na maaari pa siyang kumandidato sa 2019 dahil hindi naman niya nakumpleto ang kanyang unang termino sa Senado.
-Mary Ann Santiago at Leonel M. Abasola